DAHIL sa taglay na kabaitan at sa ipinararamdamam niyang pagmamahal at respeto sa kapwa, pasadung-pasado si Alden Richards na maging pari.
Maraming netizens ang nagsabi na mula pa noon ay mapagkumbaba at matulungin na talaga ang Asia’s Multimedia Star kaya naman talagang pinagpapala siya ng Diyos.
Muling sumalang sa Instagram live session si Alden kahapon at nakipagkuwentuhan sa kanyang mga followers. Sinagot din niya ang ilang tanong ng fans kabilang na ang mga personal questions.
Sa isang bahagi ng IG Live, sinabi ni Alden na siya yung tipo ng tao na hindi nagtatanim ng sama ng loob sa kapwa dahil hindi lang ito masakit para sa ibang tao kundi pati sa iyong sarili.
“Hindi n’yo lang pinapahirapan ‘yung nakaalitan niyo, you’re burdening yourself for the hatred you have for that person.
“Ang Diyos nga nagpapatawad, tayo pa? Parang, sino ba tayo para hindi magpatawad. So let go of all those hatred, make peace, spread love. Be kind to one another,” ang pahayag ng Pambansang Bae.
Sa puntong ito, tinanong si Alden ng kanyang spiritual adviser na si Father Jeff kung may plano ba siyang maging pari someday.
“Kaya pwede ka maging pari, ‘di ba?” hirit ni Fr. Jeff na sinagot naman ng Kapuso Drama Prince ng, “Pwedeng pwede, Father.”
Kung matatandaan, natanong ni Cardinal Luis Antonio Tagle nang maimbitahan si Alden na mag-share ng kanyang faith sa 2nd Diocesan Lenten Recollection sa Diocese of Antipolo.
Ani Cardinal Tagle, naisip ba ni Alden na magpari, tugon ng aktor, “Ang buhay ko po in-offer ko na sa Diyos, siya na po ang bahala kung saan niya ko gustong dalhin.”
Sa isang panayam namin kay Alden, nabanggit niyang isa sa mga pangarap niya ay ang makapagpatayo ng simbahan.
Samantala, inusisa rin kay Alden kung kumusta naman ang mga empleyado at staff niya sa kanyang mga food/resto business.
Sabi ng binata, kung paano niya itrato ang kanyang pamilya ganu’n din ang turing niya sa kanyang restaurant employees.
“I make sure na ‘yung employees ko kahit walang work, hindi nag-i-stop ‘yung sweldo.
“I treat them as family. So kung anong meron ako, meron din dapat sila,” pahayag pa ni Alden.