OKAY lang ba sa Kapuso actress-singer na si Yasmien Kurdi na pasukin na rin ng kanyang anak na si Ayesha ang mundo ng showbiz?
Mula nang mag-join si Yasmien sa reality-based artista search ng Kapuso Network na StarStruck noong taong 2003, marami na rin siyang napagdaanan at napatunayan sa larangan ng pag-arte.
Mula pagkadalaga nito hanggang magkaasawa’t maging ina, halos lumaki si Yasmien sa mata ng publiko.
Hindi tuloy kataka-taka na nasanay na rin ang anak nitong si Ayesha na makita ang kanyang mommy sa telebisyon.
Nakahiligan na rin ng bata ang kumanta at umarte sa mga vlogs ng YouTube channel ni Yasmien.
Dagdag pa ng Kapuso star, natural daw na bibo at madaldal si Ayesha na hindi kakikitaan ng hiya tuwing nasa harap ng camera.
“Si Ayesha laging nagtatanong sa akin kung ano daw ang gusto ko para sa kanya. Pero siyempre ayaw ko naman i-impose at ayaw kong ma-acquire niya ‘yung maging artista dahil artista ako,” saad ni Yasmien.
Suportado rin daw ng Kapuso actress kung ano man ang interest ng kanyang anak at kung anong pangarap nito sa hinaharap.
Samantala, dahil extended ang enhanced community quarantine ay binigyan ni Yasmien ng tips ang parents para maging productive ang araw nila at ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng free online classes.
* * *
Isa na namang inspirational at nakaaantig na music video ang ini-release ng GMA Artist Center para maghatid ng pag-asa sa ating mga kababayan, ang “Tuloy Tuloy Lang” na inawit ni Aicelle Santos.
Ipinakita sa music video ang iba’t ibang acts of kindness ng Kapuso stars para sa frontliners at mga komunidad na apektado ng enhanced community quarantine.
Sa panulat ni Kiko Salazar, maririnig sa kanta ang mga linyang “Di ba’t ganyan ang buhay paiba-iba ng kulay, Ikaw na rin ang siyang patunay… Tuloy Tuloy…” na nawa’y makapagpaalala sa mga Pilipino na malalagpasan natin ang kinahaharap na krisis.
Bisitahin ang social media accounts ng GMA Artist Center kung nais mapanood ang music video ng bagong kanta ni Aicelle.