Julie Anne: ‘Yang bashers na ‘yan, hindi sila kailangan ngayon

KANYA-KANYANG paandar at pasabog ngayon ang mga celebrities sa social media para makapagbigay saya sa publiko habang naka-lockdown pa rin ang bansa dulot ng COVID-19.

Wala man silang regular show sa TV, napapanood pa rin ang mga paborito n’yong artista sa kani-kanilang vlogs at Facebook at Instagram Live session.

Tulad nitong weekend, muling nagsama-sama ang mga host at judge ng The Clash sa ginanap na live online reunion sa pamamagitan ng video conference.

Present ang The Clash judges na sina Ai Ai delas Alas, Lani Misalucha at Christian Bautista kasama sina Clash Masters Julie Anne San Jose at Rayver Cruz at Clashmates na sina Ken Chan at Rita Daniela.

Siyempre, nagbigay sila ng bonggang performance with matching chikahan, tuksuhan at balitaan tungkol sa kanilang mga ECQ experience.

In-announce rin nila ang tungkol sa ginagawang online auditions para sa season 3 ng original musical competition ng Kapuso network.

Sa isang bahagi ng kanilang online reunion, biglang natanong ni Rayver si Ai Ai ng, “Na-miss n’yo po ba ‘yung bashers ninyo?”

Sagot ng Kapuso comedienne, “Ay hindi, marami naman ako noon. Kaya okay lang. Kahit wala namang The Clash, okay lang.

“Wala naman masyado kaya ‘wag mo na silang gisingin. Naka-quarantine sila, eh,” dagdag pa ni Ai Ai.

Para naman kay Julie Anne, hindi ito ang panahon para mam-bash at magpakalat ng kanegahan sa mundo. Mas mahalaga ngayong panahon ng krisis ang maging matulungin, madasalin at mapagkumbaba.

“‘Yang mga bashers na ‘yan, hindi natin ‘yan kailangan ngayon. Kasi ang kailangan natin ngayon ay magtulung-tulungan tayo para malampasan natin ito,” ani Julie Anne.

Para sa mga interesado namang sumubok sa online auditions ng The Clash, pwede na kayong mag-submit ng audition video sa pamamagitan ng direct message sa The Clash Facebook page.

Read more...