SIGURADONG may fallback na ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas sakaling matagalan pa ang pagbabalik ng entertainment programs sa TV at paggawa ng pelikula.
Super busy ngayong panahon ng health crisis ang Kapuso TV host-comedienne sa pagiging baker. Kinakarir na kasi niya ang paggawa ng iba’t ibang uri ng pastries.
Dahil nga sa enhanced community quarantine dulot ng killer virus na COVID-19, pansamantalang huminto ang ikot ng mundo ng mga artista at iba pang nasa entertainment business.
Dito na naisip ni Ai Ai na i-revive ang kanyang culinary skills para naman may pinagkakaabalahan din siya kahit nasa bahay lang. Hanggang sa ipanganak na nga ang kanyang pastry business na Martina’s Bread & Pastries.
Sa kanyang Instagram account, nag-post ang komedyana ng litrato kung saan ikinumpara niya ang pag-aartista at pagiging baker. Aniya, magkaiba ang fulfilment na nararamdaman niya sa dalawang propesyon.
“Parehong masaya .. iba ang fulfillment pag nakikita mo bread mo na maganda, pag artista iba din ang fullfillment pag maganda ang performance mo or pinapalakpakan ka ng tao at natutuwa sila sayo.
“Ying earnings malayo nga lang hehe… pero ang mahalaga parehong masaya,” caption niya sa kanyang IG post.
Isa lamang ang Kapuso comedienne sa mga local celebrities na naaadik ngayon sa pagluluto at pagbe-bake dahil nga sa enhanced community quarantine.
Hindi rin nakakalimutan ni Ai Ai ang tumulong sa mga apektado ng lockdown. Sa katunayan, marami na rin siyang sinalihang fundraiser para makalikom ng donasyon para sa COVID-19 frontliners.