Ito na ang new normal sa trabaho–Bello

MAGKAKAROON din ng ‘new normal’ sa pagpasok ng mga empleyado sa trabaho.

Sa isang pahayag, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na ipatutupad ang Interim Guidelines on Workplace Prevention and Control of COVID-19 upang malimitahan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 kapag inilagay na ang malaking bahagi ng Luzon sa General Community Quarantine.

Ang guidelines ay pirmado nina Bello at Trade Secretary Ramon Lopez.

Ang mga empleyado ay dapat na nakasuot ng facemask na hindi maaaring tanggalin maliban na lamang kung kakain o iinom. Ang mga employer ay inatasan na maglaan ng angkop na facemask sa kanilang mga empleyado.

Araw-araw ay dapat sumailalim sa temperature check at sumagot ng health symptoms form.

Kada buwan ang employer ay pinagsusumite ng DOLE Work Accident/illness Report Form (WAIR).

Ang mga empleyado na hindi bababa sa 37.5 degrees Celsius ang temperatura matapos ang limang minutong pahinga o batay sa evaluation ng clinic staff ay kailangang ihiwalay. Kung kailangan ay dapat itong dalhin sa ospital.

Kailangan ding magsagawa ng disinfection sa mga gamit at sasakyan lalo na sa mga madalas hawakan gaya ng doorknob isang beses kada dalawang oras.

Ipatutupad din ang physical distancing kahit na sa pagkain at pinaiiwasan ang matagalang face-to-face interaction ng mga empleyado at kliyente.

Ang mga bisita ay kailangang sumagot ng ‘Visitor’s Health Checklist Form’ na maaaring makuha sa https://www.facebook.com/laborandemployment/ o https://bwc.dole.gov.ph/issuances

Pinalilimitahan din ang physical meeting at kung maaari ay magpatupad ng alternative work arrangements gaya ng working-hour shifts, work from home at rotational na pagtatrabaho.

Ang mga “at risk” workers gaya ng mga edad 60 pataas o mayroong karamdaman ay hinihikayat na sumailalim sa work from home arrangement.

Kung maaari ay makabubuti umano kung maglalaan ang kompanya ng shuttle service sa mga empleyado nito.

“Employers may test workers for COVID-19. Testing kits used and procured shall be the responsibility of the employer,” ani Bello.

Nakasaad din sa guidelines ang paglikha ng kompanya ng COVID-l9 Hotline o Call Center na matatawagan ng mga empleyado nito na mayroong sintomas.

Read more...