POGO workers mas pinapaboran kesa daily wage earners?

PINABORAN ba ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management Of Emerging Infectious Disease ang Philippine Offshore Gaming Operators?

Ito ang tanong ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers sa pagbaliktad umano ng IATF sa naunang resolusyon nito na nagbabawal sa operasyon ng sugal.

Sa ilalim ng IATF Resolution 30, pinayagan na ang operasyon ng POGO kahit na sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine kung saan may tinatayang 300,000 Chinese workers umano na nakabase sa Metro Manila.

Ang POGO ay pinayagan batay sa rekomendasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na ito ay ikinokonsiderang bahagi ng business process outsourcing na exempted sa ECQ.

“The problem here is that under Category 4 of the IATF’s Resolution No. 30 signed by President Duterte last April 30, the sectors that are not allowed to operate, whether under ECQ or GCQ guidelines, includes gambling and betting activities,” paliwanag ni Barbers.

“The IATF Reso No. 30 clearly stated it disallows gambling and betting activities. The IATF now considers POGOs as BPOs. The question is: “Would they now allow other BPOs to engage in gambling and betting activities so that their workers would be exempt from ECQ or GCQ?”

Hindi umano maganda ang dating sa mga ordinaryong manggagawa ng ginawa ng IATF na pinagbabawalan pa ring pumasok sa kanilang trabaho.

“Nakakalito, at medyo parang biased in favor of POGOs ang kanilang policy na payagan ang higit sa 300,000 na Chinese workers na makabalik sa kanilang trabaho samantalang milyun-milyung mahirap na Filipino workers ang nahinto sa trabaho at pilit na sumusunod sa patakaran ng IATF,” dagdag pa ni Barbers na chairman ng House committee on dangerous drugs.

Makabubuti umano kung papayagan na ring pumasok ang mga daily wage earners na kailangan ding kumita.

Kinukuwestyon ang operasyon ng POGO workers dahil bukod sa pagkakasangkot ng maraming Chinese sa mga krimen ay hindi rin umano nagbabayad ng tamang buwis ang mga ito.

Read more...