KUMALAT sa social media ang balitang pumanaw na raw ang komedyanteng si Babajie.
Pero agad itong pinabulaanan ng pamilya ng comedian at tinawag na fake news ang nasabing balita.
Sa pamamagitan ng Facebook, nilinaw ng kapatid ni Babajie o Alfredo Cornejo sa tunay na buhay na buhay pa rin ang comedian. Anito, totoong may sakit ang kanyang kuya pero hindi pa ito patay.
Namayat nang husto ang comedian at tila hinang-hina na ang itsura base sa mga litrato niya sa FB habang naka-dextrose.
“Sa mga nagpapakalat ho ng fakenews jan na patay na kuya ko. Ayan ho kapatid ko. Buhay na buhay pa.
“Salamat po sa mga nagdasal at tumulong para sa kapatid ko. God bless you all.
“‘Wag basta maniniwala kung di naman galing sa pamilya ang balita. Fake news,” ayon sa FB post ng kapatid ni Babajie.
Bago pa niya pinabulaanan ang kumalat na fake news, nag-post na ito sa FB na naka-confine si Babajie sa San Lazaro Hospital. Ngunit hindi niya nasabi kung ano ang iniindang sakit ng komedyante.
“Nakaconfine na po sya ngayon sa San Lazaro Hospital. Di na po sya makabangon at nagpapagaling na po sya.
“Humihingi po ako ng tulong na isama sa dasal ang kapatid namin na tuloy tuloy na makarecover at muli namin syang makasama. Salamat po God bless you all.
“Di na po sya makabangon at nagpapagaling na po sya,” aniya pa.
Unang nakilala si Babajie sa longest-running gag show ng GMA na Bubble Gang bilang si Abaji. Na-discover siya habang nanonood sa taping ng programa.
Huli siyang napanood sa Kapuso Mo Jessica Soho kasama ang Italian model friend niyang si Ciro na inakala ng lahat na dyowa niya.