ARESTADO ang walo katao at nasamsam ang P108,000 halaga ng shabu sa magkakahiwalay na operasyon ng Quezon City Police.
Naaresto sina Romel Reyes, 42, Nestor Tamblante, 33, at Juvil Alforte, 33, alas-5:30 ng hapon kahapon sa Pasong Krus Brgy. Pasong Tamo. Nagbenta umano ng P4,500 halaga ng shabu ang mga suspek sa isang poseur buyer.
Nang maaresto ay nakuhanan pa umano sila ng P88,400 halaga ng shabu, timbangan at cellphone na gamit sa pakikipagtransaksyon.
Kamuning Police naman ang umaresto kina JB Pineda, 24, at Eddie Boy Emberzo, 23, alas-7 kagabi malapit sa Sea Oil Gasoline Station sa Betty Go Belmonte malapit sa Aurora Blvd., Brgy. Immaculate Conception. Nakuha umano sa kanila ang P13,600 halaga ng shabu.
Nahuli naman ng Novaliches Police sina Donald Montes, 31, at Roderick Solano, 44, alas-3:45 ng hapon sa parking area ng Area 6 Sitio Cabuyao, Brgy. Sauyo, Novaliches. Nasamsam umano sa kanila ang P6,800 shabu.
Naaresto naman sina Samuel Mondina, 38, matapos na makuhanan umano ng isang sachet ng marijuana. Siya ay sinita dahil walang suot na facemask sa Brgy. Socorro.