SINIBAK sa tungkulin ang lahat ng tauhan ng anti-drug unit ng National Capital Region Police Office makaraang maaresto ang isa nilang kabaro, dahil sa nakaw na motorsiklo, sa Marikina City.
Nadakip si Pat. Orlando Perez, nakatalaga sa Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), sa kanyang bahay sa Kagitingan st., Brgy. Calumpang, ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas.
Isinagawa ng mga tauhan ng Regional Special Operations Group (RSOG) at iba pang police unit ang operasyon dakong alas-4:50 ng hapon Martes.
Bago ito, nakatanggap ang pulisya ng impormasyon na gumagamit si Perez ng motor na nakumpiska sa isang operasyon kontra droga sa lungsod noong Abril 5.
Lumabas sa pagsisiyasat na di isinama sa listahan ng mga nakumpiskang ebidensya ang motor, at di rin inulat ni Perez sa imbestigador na humawak ng kaso.
“Instead, he (Perez) brought it to his residence and started using it as his personal service motorcycle,” ani Sinas.
Napag-alaman pa na si Perez ay bahagi ng isang grupo ng mga dating anti-drug operatives na sangkot sa iligal na droga, pakikialam sa ebidensya, at “hulidap,” aniya.
Ang naturang grupo ay pinamunuan ni Lt. Elmer Rigonan, na una nang nahuli sa pagtatago ng 17 gramo ng shabu mula sa kabuuang 30 gramong nasabat noong Abril 6, ayon kay Sinas.
Nasibak sa tungkulin si Rigonan at iba pang tauhan ng Drug Enforcement Unit ng Marikina Police matapos ang insidente.
Dahil naman sa pagkahuli kay Perez, sinibak na rin lahat ng tauhan ng RDEU at ililipat sa ibang unit ng NCRPO.
Nakatakda rin silang isailalim sa drug test ngayong araw, at pagtatanong ng RSOG at PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group, ani Sinas.
“May this serve as a warning to other erring police officers out there that NCRPO will not cease in its effort to cleanse its ranks,” aniya pa.