Imee sa employers: Contractual workers seguruhin makababalik sa trabaho

NANAWAGAN ngayon si Senator Imee Marcos sa mga employers na tiyaking makababalik sa kani-kanilang mga trabaho ang mga contractual workers sakaling tuluyan nang payagan ng pamahalaan ang pagbubukas ng mga pribadong kompanya kabilang na ang mga pagawaan o pabrika.

Kaugnay sa paggunita ng Araw ng Paggawa sa darating na Mayo 1, ang panawagan ay ginawa ni Marcos sa pangambang ang mga contractual workers ay hindi na pabalikin ng mga employers sa kanilang pinapasukang trabaho at gawing dahilan ang patuloy na pananalasa ng COVID-19.

“Matagal nang exploited ang mga contractual workers kaya sana naman pabalikin nila ito sa kanilang trabaho. Kawawa naman dahil wala silang mga benepisyo na nakukuha sa kanilang trabaho kahit matagal na silang namamasukan sa kompanya,” pahayag ni Marcos.

Binigyan diin ni Marcos na sa patuloy na krisis dahil sa COVID-19, ang mga manggagawang hindi regular sa kanilang mga trabaho ang higit na naapektuhan dahil sa walang mga benepisyo itong nakukuha tulad ng Philhealth, SSS, Pag-ibig at insurance na maaari sana nilang matakbuhan sa panahon ng kagipitan.

Ayon pa kay Marcos, halos walang proteksyon sa batas paggawa ang mga contractual workers at nakalulungkot dahil sa kabila ng panawagan ng iba’t ibang labor organization, ang usapin ng regularisasyon ay hindi pa rin nabibigyan ng solusyon ng Department of Labor and Employment.

“Yan kasing end of contract o endo ay pinalaganap ng mga salbaheng negosyante kaya tuloy kahit ilang taon na silang nagtatrabaho sa kompanya, contractual worker pa rin ang kanilang status. Limang buwan lang, endo na kaagad at pababalikin na lang sila para magsimula ulit ng panibagong trabaho,” paliwanag ni Marcos.

Ang ECQ na patuloy na umiiral sa Metro Manila at ilang probinsiya ay ipatutupad hanggang May 15, samantalang ang mga lugar naman na isinailalim sa GCQ ay maaari nang magbukas ng kanilang negosyo tulad ng nasa agriculture, fishery, forestry, food manufacturing, packaging, food retail, supermarket, restaurants, hospitals, logistics, water, energy, internet, telecommunications at media.

Base sa datos ng DOLE, umaabot sa mahigit sa 2 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil na rin sa COVID-19.  Ang Metro Manila ang may pinakamataas na bilang ng apektadong manggagawa na umabot sa mahigit sa 687,634 at sumunod ang Central Luzon na may bilang na  281,278 manggagawa.

Read more...