Netizen supalpal kay Angel; sariling pera ang ipinambili sa COVID test kit

UMALMA si Angel Locsin sa mga netizens na nagreklamong gumamit umano sila ni Neil Arce ng limited supply ng COVID-19 test kits.

Ipinost ng Kapamilya actress sa kanyang Instagram Story ang resulta ng COVID-19 test nila ng kanyang future husband — at pareho nga silang negative.

Matapos nga ang halos isang buwang pagsasagawa ng relief mission nagpa-test sina Angel at Neil para masigurong hindi sila kinapitan ng killer virus dahil nga na-expose sila sa mga ospital at iba pang lugar.

Pero mukhang hindi masaya ang lahat para sa magdyowa dahil may ilang nangnega sa ginawa nilang pagpapa-test.

Ayon sa isang netizen, alam naman daw nina Angel na kulang na kulang pa ang test kits para sa COVID-19 pero gumamit pa rin sila nito para sa sarili nilang interes.

“Kulang na nga ang test kits para sa suspected COVID 19 nakisali pa itong mga taong ito na 11 million ang natanggap na donasyon,” sabi ng netizen.

Ang tinutukoy na P11 million ng basher ni Angel ay ang kinita ng fundraiser ng kanilang grupo na tinawag na #UniTENTweStandPH na naglalayong makalikom ng pondo para sa health workers pati na rin sa mga COVID-19 patients.

Sinagot naman ni Angel ang akusasyon sa kanila ni Neil. Aniya, pera nila mismo ang ginamit para makabili ng test kits at wala silang ginagawang masama at hindi sila nang-aagrabyado ng kapwa.

“Hello! Sariling pera po namin & binili pa ho namin sa ibang bansa kaya hindi po namin nabawasan ang test kits na para sa Pinas ng magamit po ng iba.

“Na expose po kasi kami ng ilang beses kaya po para sa kaligtasan ng mga nakakasama namin kailangan po naming gawin. Salamat po,” dagdag na paliwanag pa ng aktres.

Read more...