SINUSPINDE ng Metropolitan Manila Development Authority ang tatlong traffic enforcer nito na nakitang may angkas habang umiiral ang enhanced community quarantine.
Ayon kay Bong Nebrija, MMDA traffic chief, lumabag sa social distancing protocol ang tatlo kaya inisyuhan ang mga ito ng tiket at inilagay sa preventive suspension.
Aniya ang pag-aangkas sa motorsiklo ay paglabag sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) on COVID-19 response.
“Meron tayong mga polisiya at mandato na kailangang ipatupad. Pasensiya na po, pare-pareho po tayong tatamaan nito,” sabi ng opisyal na idinagdag na
walang exemption sa pagbabawal ng backride ngayong panahon ng ECQ.
Nahaharap din ang tatlong traffic constables sa administrative case, sabi pa ni Nebrija.
Matatandaang nakunan ng larawan ng mga netizens ang tatlong enforcers na may backride sa magkakahiwalay na insidente kamakailan.