BALWARTE ng mga bukod-na-pinagpala ang exclusive subdivision na tinitirhan ng Espanyol na umaway-away at nanduro-nagmura sa mga otoridad natin.
‘Yun at ang iba pang mga lugar na tinitirhan ng mga yayamanin ay parang sarili nilang mundo, hiwalay sila sa mas nakararami, dahil umaawas nga ang kanilang yaman.
Pero ang pagtira sa nasabing subdivision ay hindi pasaporte para manglibak sila ng mga kapulisan na nagpapairal lang naman ng disiplina.
Napakaangas ng naturang banyaga, ni hindi nga siya nagsuot man lang ng kahit lumang t-shirt sa pakikipagharap sa mga pulis, du’n pa lang ay kitang-kita na ang kanyang superyor na pagtingin sa kanyang sarili.
Nagdidilig ng mga halaman ang kanilang kasambahay nang walang gamit na face mask, natural lang na sitahin ito ng mga rumorondang otoridad sa Damariñas Village, nagsumbong ito sa kanyang mga amo.
Paglabas ng Espanyol ay isang napakataas na boses agad ang maririnig, kinukuwestiyon niya ang mga pulis, bakit daw sinita ang kanilang kasambahay nang dahil lang sa hindi pagsusuot ng face mask habang nasa labas ng kanilang bahay?
Ipinaliwanag ng mga otoridad na may pinaiiral na lockdown, kailangang gumamit ng face mask ang mga lumalabas, pero puro mura agad ang isinagot ng banyaga.
Pinakyu-pakyu na niya ang mga pulis, tinawag pang mga bobo, dahil nasa bakuran pa rin naman nila ang kinukuwestiyon nilang kasambahay.
Du’n na sila sa puntong ‘yun nagkainitan, nagpambuno ang banyaga at ang pulis, habang sigaw naman nang sigaw ng “Huwag, kuya!” ang misis ng banyaga.
* * *
Inalmahan ng isang anak ng mga bukod-na-pinagpala ang mga posts tungkol sa pangyayari. Natural, may mga nagkokomentong maling-mali ang mga otoridad, nakakaawa raw naman ang banyaga.
Hindi ‘yun pinalampas ni Derek Ramsay na palaging bukas sa pag-oopinyon sa kanyang social media account. Huwag daw namang palabasin na palaging mga pulis na lang ang bad guy.
Sinang-ayunan namin ang mga opinyon ng hunk actor, nasa ating bansa ang Espanyol, kaya kailangan nitong sumunod sa ating mga patakaran.
Mahigit na isang buwan nang nakapailalim ang buong bansa sa enhanced community quarantine, kumpleto ang mga anunsiyo ng DOH at ng ating pamahalaan, alangan namang hindi ‘yun alam ng maangas na banyaga?
Tama si Derek, puwede namang pag-usapan sa maayos na paraan ang ganu’ng sitwasyon, pero nagpamalas agad ng kaarogantehan ang Espanyol na nagmumura ang tiyan sa sobrang laki.
Kung naging marespeto nga naman ito sa mga otoridad ay hindi na sana humantong pa sa gulo ang senaryo, nagkaintindihan sana sila, pero inuna kasi ng banyaga ang kahambugan.
Hindi naman lahat, pero maraming banyagang naninirahan-nagnenegosyo dito ang sobrang baba ng tingin sa mga Pilipino, tayo pa nga ang lumalabas na second class citizen sa sarili nating bayan para sa kanila.
Dito sila namumuhay, kailangang sumunod sila sa ating mga batas, gawin nila ang kanilang mga kapritso sa sarili nilang bansa.
At hindi ngayon at naninirahan sila sa mga lugar na pinamumugaran ng mga yayamanin ay magagawa na nila ang lahat ng kanilang gusto.
Daang libong piso man ang halaga ng bawat metro kuwadrado ng kanilang bakuran ay hindi pa rin ‘yun nagbibigay sa kanila ng kalayaang magpairal ng sarili nilang mga batas.
Hindi ‘yun balidong dahilan para mangyurak sila ng karapatan ng kanilang kapwa at magmura na para bang palamon nila ang mga Pilipino.
Hmp!