ISA lang sa bawat 10 magsasaka at overseas Filipino workers ang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Social Amelioration Program.
At ayon kay House Deputy Speaker Mikee Romero huling araw na ng Abril bukas pero tatlo lamang sa bawat 10 pamilya ang nakatanggap na ng tulong sa ilalim ng SAP o 6.3 milyon lamang sa 18 milyong pamilyang tutulungan ng programa.
Sa isinumiteng ulat ng mga ahensya ng gobyerno sa Kongreso noong Lunes, sinabi ni Romero na sa 591,246 rice farmer-beneficiaries na tatanggap ng P5,000 tanging 53,881 pa lamang ang nakatanggap ng tulong.
Sa 135,720 OFW na bibigyan ng P10,000 ang natulungan pa lamang ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay 20,500.
Kung pagsasamahin ang kailangang tulungan ay 726,966 pero ang natulungan pa lamang ay 74,381 o isa sa bawat 10.
Pinuri naman ni Romero ang DOLE sa pagtulong sa mga formal at informal workers. Natulungan na nito 565,125 sa 585,303 manggagawa o 96.6 porsyento.
Sa mga benepisyaryo naman ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) nabigyan na ng tulong ng 3.7 milyon sa 4.4 milyong pamilya. Sila ay nakatanggap ng P5,000-P8,000 tulong.
Ang 13.6 milyon naman na hindi miyembro ng 4Ps pero tutulungan sa ilalim ng SAP, 2.5 milyong pamilya pa lamang ang natulungan o 18 porsyento.
Sa Metro Manila kung saan 1.6 milyong pamilya ang benepisyaryo, 67,109 o 4.3 porsyento pa lamang ng 536,872 milyon ang nabigyan na ng tig-P8,000.
“Clearly, we have a long way to go in helping the affected sectors,” ani Romero.
Ang mga pamilyang tutulungan ay muling makatatanggap ng tulong pinansyal sa Mayo.