BANDERA Editorial
Bakit ang mga istasyon ng TV, radyo, mga sinehan, dyaryo, magazines at billboards sa Roma (o Italia), kung nasaan naroroon ang Vatican, ang luklukan ng kapangyarihan ng Simbahang Katolika mismo, ay may condom? Bakit hindi bawal sa labas ng bakod ng Vatican ang paggamit ng condom? Bakit maraming motel sa labas ng bakod ng Vatican? Bakit maraming pokpok sa labas ng bakod ng Vatican? Bakit hindi kayang pigilin ng Santo Papa sa Roma ang paggamit ng condom mismong sa Roma at Italia?
Ang sabi ng CBCP, ang condom ay nakapagpapahina raw ng moralidad ng kabataan. Heto na naman tayo. Babalik na naman tayo sa Noli Me Tangere, kung saan ang mga pari ay nagsasalita ng pangkalahatan at walang tinutukoy na insidente. Tulad ng sinabi ng mga pari’t madre na ang malalaswang tabloid ay nag-uudyok ng kamunduhan, pero walang maiturong Juan, Pedro at Pablo pagdating ng paglilitis sa korte.
Sa kanilang sermon, lahat tayo ay makasalanan, maliban sa kanila. Ang gobyerno ay tiwali, maliban sa kanila (kaya pala nabangkarote ang bangko ng Vaticano at naglaho na parang bula ang laman ng kaban nito). Kaya pala, ang isa sa pangunahing tema ng katatapos na ikalawang National Conference of the Clergy ay ang panawagan sa mga pari na labanan ang tukso ng laman. Kaya pala naibenta ang mga assets ng Katolika sa America, pati na ang ilang simbahan, para lamang pang-areglo sa mga kasong sekswal na isinampa ng batang mga lalaki’t babae.
Ang pakay ng gobyerno ay pigilan ang epidemya ng AIDS. Gumagawa ng paraan (at aksyon agad) ang gobyerno, ang simbahang Katolika ay hindi. Gumagawa ng hakbang ang gobyerno para mapigilan ang populasyon (para doon sa walang AIDS) dahil 90 milyon na ang Pinoy. Ang simbahan ay hindi. Kumikilos ang gobyerno, ang simbahan ay hindi.
Namahagi ng condom ang gobyerno sa kalye at malugod na tinanggap ito ng lahat. Malugod na tinanggap ng mga Katoliko sa kalye ang ipinamimigay na condom ng gobyerno at wala silang pakialam sa opinyon ng mga obispo dahil kailangang tulungan nila ang kanilang sarili (wala naman silang inaasahang tulong mula sa simbahan).
BANDERA, 030310