TILA nagkainitan sina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo nang mapag-usapan nila ang tungkol sa pagbibigay ng tulong ng mga artista sa mga naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Nag-viral ang video ng dating magka-loveteam mula sa Instagram Live ni Bea kamakailan kung saan nakasama nga niya si Lloydie bilang “special guest.”
Muli nilang pinakilig ang kanilang fans nang makita silang nagtutuksuhan, nag-aasaran at nagpapalitan ng hugot lines sa nasabing IG Live session.
Ngunit may isang bahagi ng IG video na tila nagkainitan sina John Lloyd at Bea nang mapunta ang usapan sa ginagawang relief mission ng aktres ngayong naka-lockdown pa rin ang Luzon.
Simulang tanong ni Lloydie, “Kumusta ‘yung relief ops niyo?” Sagot ni Bea, “Okay naman. Actually, maraming nagdo-donate. Nakakatuwa. Ang daming gustong magbigay para matulungan ang mga wala. ‘Yun naman ‘yung importante, ‘di ba? Kung may sobra ka, willing ka magbigay du’n sa kulang.“
Sunod na tanong ng aktor, “Di ka napapagod? Kasi ‘di ba, linggo-linggo niyo na ginagawa ‘yan. Magluluto, magpa-pack, magpapakain. Tapos sa susunod uli magluluto, magpa-pack ng ipapakain.”
“Hindi naman. Totoo parang di mo mararamdaman ang pagod. Walang echos. Kanina lang nagluto ako ng bagoong rice. Shinare ko nga ‘yung recipe. Hindi mo napi-feel, eh. Ewan ko, ha. Siyempre may volunteers kami.
“Sila ‘yung nagdadala ng donations. Kapag nakakatanggap ako ng videos or pictures. Tapos nakikita mo ‘yung mga recipients. ‘Yung ganda ng ngiti. Iba ‘yung pasasalamat.
“Akala mo naman bahay at lupa na ‘yung ipinamigay namin. Or kaya pang-one month or pang-one year. Sa totoo lang naman, isang meal lang or isang bag ng relief goods. Pero grabe. Iba ‘yung pasasalamat nila,” reply ni Bea.
Hirit naman ni Lloydie, “Pero Bey, paano ‘pag wala na sila sa schedule n’yo? Paano ‘pag wala nang naka-schedule sa kanila?” Sey ni Bea, “Magpo-provide. Tutulong kami hangga’t kaya naming tumulong siyempre.”
“Paano ‘pag di na kaya?” tanong uli ng aktor. Tugon ng aktres, “May magpo-provide nga. Kung ‘di man kami, may magpo-provide.”
“Sino?” sey ni Lloydie. “Are you questioning my optimism?” banat ng aktres.
Sey ni John Lloyd, “Tinatanong ko lang kung sino magpo-provide.”
“Hindi ko alam,” ani Bea na sinagot naman ni John Lloyd ng, “Ah okay.”
Dito na medyo nag-iba ang timpla ni Bea, “Ano ‘yan? Hindi pwedeng hindi ko alam? Eh tumutulong lang naman ako. Ano ‘yun?“
Hirit ni John Lloyd, “You know what, please don’t get me wrong. ‘Yung ginagawa n’yo, yung selflessness n’yo na ‘yan, ‘yung appreciation ko is beyond words, maniwala ka.
“Pero hindi lang mawala sa isip ko ‘yung posibleng false hopes na kalakip ng mga bagay na binibigyan niyo. Kasi Bey, hindi naman siya sustainable. ‘Yung tao na umaasa na bukas, baka may magluluto, magpapa-pack, magbibigay, magpapakain. Pero ang tanong nga, paano kung wala?”
Sabat ni Bea, “Ano ‘yun? Parang ako na ‘yung tumutulong ako pa ‘yung nakakasama?”
“Hindi ko sinasabing masama tumulong. Pero ‘yung nga ang pinupunto ko, ang sinasabi ko dapat tulong lang siya. ‘Yun nga dapat tulong lang siya. Dagdag. Kasi dapat may ibang bahala diyan, ‘di ba? Hindi naman pwedeng aasa na lang kabutihan nang kapwa ‘di ba? Dapat mayroon ng nangagaling sa taas. Sa kinauukulan,” paliwanag naman ng ex partner ni Ellen Adarna.
“’Yun nga ang sinasabi ko, habang wala pa, habang naghihintay, tumulong na ‘yung pwedeng tumulong,” sey ni Bea.
Ani John Lloyd, “Ilang linggo na kasi. Parang sobrang tagal na na naghihintay.”
“Ganyan ka na ka-pessimistic? Totoo? Ganyan ka na?” tanong uli ng aktres. Na sinagot naman ni John Lloyd ng, “I’m just trying to manage my optimism.”
“Hindi. Totoo naman. Tama ka naman. Isang meal lang ‘yung binibigay namin. It may not matter to you, but I assure you it matters to that person na naitawid namin ‘yung gutom kahit isang araw lang,” lahad ng dalaga.
Sabi naman ni Lloydie, “‘Yun ang nakakalungkot. ‘Yung gutom kasi pwedeng mapunan, Bey. Kasi ‘pag gutom, pagkain nakakalis niyan. ‘Pag uhaw, tubig, ‘di ba? Kaya lang, paano ‘pag hindi na lang gutom? Paano ‘pag takot na? Paano pag malungkot na? Paano ‘pag galit na?
“‘Yang mga ‘yan ‘di kayang tanggalin ng pagkain. ‘Di kayang tanggalin ng tubig, ng relief ops. Lagpas na ‘yan sa pisikal eh. Paano ‘pag ‘yung loob na ang nagugutom. Paano ‘pag ‘yung kaluluwa na ‘yung walang-wala na. ‘Yun ang nakakatakot. Gutom na ang tiyan, gutom pa pati ‘yung kaluluwa,” chika uli ng aktor.
“Kaya nga, ‘wag nang paabutin du’n,” sey ni Bea.
Hindi pa rin nagpatalo si John Lloyd at nagsabing, “Paano nga? Ang daling sabihin niyan, eh. Tayo okay tayo, ‘di ba? Eh ‘yung iba? Paano sila?”
“Sana may taong kayang sumagot ng tanong mo,” tila sumuko nang sey ni Bea. Sagot uli ni Lloydie, “Okay lang. Hindi naman tayo ang dapat sumasagot niyan, eh.”
Sa huli, natawa na lang si Bea sabay dialogue ng, “Nag-aaway ba tayo?”