BINALIKAN ni Robin Padilla ang naging buhay niya noon sa loob ng kulungan at ikinumpara pa sa buhay natin ngayong may COVID-19 pandemic.
Nag-post si Binoe ng kanyang litrato sa Instagram na kuha noong nasa New Bilibid Prisons pa siya at pinagdudusahan ang nagawang kasalanan. Dito, inalala ng action star kung paano nabago ang buhay niya sa loob ng bilangguan.
“Sa ngalan ng nag iisang Dios ang pinakamapagpala ang pinakamahabagin.
1997 ang kuha na ito sa loob ng maliit na masjid sa likod ng barracks ng Inmates Custodial Aid sa campo sampaguita new bilibid prisons dito ako nag aral ng 5 haligi ng islam 1) shahadah 2)prayer 3)fasting 4)zakat 5)hajj,” simulang kuwento ng action star.
“Purihin ang Panginoon sa aking pagkakakulong dahil don ay nagkaroon ako ng koneksyon sa nag iisang tagapaglikha isang pagkakataon at mahabang oras para makilala ang sarili ko at ang bilanggo na galing sa ibat ibang lugar, kalagayan at katayuan sa buhay.
“Pati ang kaniya kaniyang kultura naibalik ko sa lupa ang aking mga paa at iniwan ng permanente ang estrella/stars na ikinabit sa aking pagkatao ng pelikula. Inilaan ko ang aking panahon sa bilibid sa pag aaral kayat don ko natapos ang aking highschool at daan para magtuloy tuloy na matapos ang college.
“Naisulat ko ito ngayon sa panahon ng lockdown dahil napakalaking pagkakahawig ng buhay natin ngayon sa aking buhay sa bilibid ang pagkakaiba lang ay may smartphone ngayon pero maliban don parehas na ang lahat pati ang kuwento ng unang ramadan ko sa piitan dahil sa matagal na panahon na akoy nakalabas.
“Walang isang ramadan na dumaan ang naitawid ko na walang pagkukulang naging napakahirap gawin ng mga dasal at mga dua sa shooting o taping ang inaakala ng iba ay pag aayuno lamang ito sa kwentuhan, sa pagkain, sa tubig at sa pakikipagtalik sa pagkababae ng asawa.
“Oo malaking parte ang mga ito pero ang totoo ang ramadan ay paggawa ng koneksyon sa Dios at yun ay maibibigay lamang ng tamang pagsasagawa ng salah/ dasal maging obligatory man ito o non obligatory tunay na napakahalaga ng pagpapatirapa sa bawat halimbawang dasal na ipinakita ng propeta muhamad (saw).
“May bilang ang bawat salah ng sunnah ang bawat fardh pati ang nafl sa katunayan nong nakalabas ako ay naging puro fardh na lang ang nagagawa ko Astigfirullah.
“Ngayon unti unti ay bumabalik ang pagsasaggawa ng mga dasal na ito para akong bagong panganak na isa isang nagagawa ang dapat na mga salah sa loob ng isang araw at gabi ng isang muslim.
Tunay na tayo ay pinakamalapit sa Allah sa oras ng naka sujood. ‘A slave becomes nearest to his God when he is in prostration.'”
Samantala, sa kabila ng natatanggap na batikos mula sa mga anti-Duterte, tuloy lang ang ginagawang pagtulong ni Binoe sa mga naapektuhan ng COVID-19 crisis.
Ayaw mang ipaalam ni Robin ang ibinibigay na ayuda sa madlang pipol, mismong ang taong nakakatanggap ng tulong ang nagpo-post nito sa social media.
Sa ilang Instagram post, makikita ang pagpapasalamat ng mga taong nakatanggap ng ayuda mula sa kaban-kabang bigas na donasyon ni Robin.
At bukod sa mga nawalan ng trabaho at frontliners, nag-abot din ng tulong ang aktor sa ilang movie workers na walang pinagkakakitaan ngayon dahil sa lockdown.