KAPAG likas talagang matulungin ang isang tao ke nasa posisyon o wala ay walang makapipigil sa kanyang tumulong sa mga nangangailangan
Isa si Aiko Melendez sa matagal na naming kilala, nagsisimula pa lang siyang mag-artista noon at bilang alaga ng namayapang Douglas Quijano ay naging close kami sa aktres.
Noon pa man ay mahilig nang mag-share si Aiko kung anong mayroon siya palibhasa’y alam niya ang hirap ng buhay dahil nga sa pinagdaanan niya noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz.
Anyway, mas lalo pang dumami ang natulungan ni Aiko noong naging konsehala siya ng Quezon City dahil nga nagkaroon na siya ng budget para sa projects na kadalasan ay sa sariling bulsa niya nanggagaling ang ibang gastusin.
At nang sumalakay ang COVID-19 ay isa si Aiko sa nangunguna sa pagkalap ng donasyon para pambili ng PPEs, surgical face mask, gloves at iba pang kailangan ng ating frontliners at healthcare workers. Bukod dito ay maraming civilian din ang nabigyan niya ng tulong.
Kamakailan ay naka-chat namin si Aiko at nabanggit niyang, “Hindi ako makatulog. Kasi nag-iisip ako kung paano pa maka-help sa mga needy, alam mo naman, lalo’t na-extend ang ECQ. Paano na ‘yung mga no work, no pay? Sana marami mag-donate para marami pa kami matulungan.”
Hayan, ganyan si Aiko, imbes na sariling pamilya ang iniisip sa bahay ay ang mga nangangailangan ng tulong ang kanyang pinoproblema.
“Sa Zambales halos 10k na nabigyan namin ng gatas at diaper bukod pa sa bigas. Dami eh namigay na din kami PPE at face shields kumpleto na Zambales,” sabi ng aktres.
Nagpadala ng litrato sa amin si Aiko ng mga produktong naibigay na niya tulad ng vitamins, sako-sakong bigas, kahong-kahong bottled water, mga delata, noodles, kape, pagkain ng mga bata tulad ng biskwit at hotdog.
Bukod sa gamit ng frontliners sa mga ospital sa Zambales at Olongapo City ay namimigay din ng food pack si Aiko kasama ang boyfriend niyang si Vice Governor Jay Khonghun.
Sabi ng aktres, “’Yung gatas diapers sa bulsa namin ni VG (Jay). ‘Yung PPEs nag-ask kami ng donation sa mga kaibigan namin na artista at private sectors tulad nina Carmina (Villaroel), Gelli (de Belen), Pops (Fernandez), Katrina Halili, Ogie Diaz at marami pang iba.”
At heto pa, hindi rin nakalimutan ng aktres ang ilang taga-media na kabilang sa no work, no pay status at umaasa rin sa mga ayuda ng barangay.
Aniya, “Nakatoka sa media friends ko sariling bulsa ko naman. Sa natabi ko sa taping ko sa Prima Donnas. Meron din akong dalawang fans from abroad nag-donate ng cash tig 5k at 2k.”
Samantala, masaya ring ibinalita ni Aiko na ang bilis ng balik ng blessings sa kanya dahil extended ang serye niyang Prima Donnas sa GMA at kakapirma lang daw niya ng kontrata para sa extension.