Kailangan ba natin ng ‘designated survivor’?

ALAM nating lahat na ang Vice President ang papalit kung sakaling may mangyari sa president, gaya nang kamatayan, permanenteng pagkaimbalido (permanent disability), pagkaalis sa katungkulan (removal from office) o pagbitiw (resignation).

Pero sino ang magiging president o acting president kung sakaling ang President at Vice President ay sabay, as in sabay mamatay, sabay naging permanenteng imbalido, sabay natanggal sa katungkulan o sabay nagbitiw?

Papaano kung walang senate president at speaker na magiging acting president?

May “designated survivor” ba tayo na magiging president sa ganitong sitwasyon?

Ang ating 1987 Constitution ay nagtakda ng iba’t ibang scenario na maaaring mangyari at nagbigay rin ng solusyon para rito.

Kapag ang President ay namatay, nagbitiw, naging permanenteng imbalido o natanggal bilang president, ang Vice President ang magiging president. Ganito ang sitwasyon nang nagbitiw bilang president si Joseph Estrada at si Vice President Gloria Macapagal-Arroyo ang naging president.

Kung sakali naman sabay at parehong namatay, nagbitiw, naging permanenteng imbalido o natanggal sa opisina ang President at Vice President, ang Senate President  o kung hindi nito kaya (in case of his inability) ang Speaker ng House of Representative, ang magiging acting president hanggang mahalal ang President at Vice President.

Tiniyak ng 1987 Constitution na magkakaroon naman agad ng special election para sa position ng president at vice president sa ganitong sitwasyon. Ang Kongreso ay inatasan magpulong (convene) sa ika-10 ng umaga ng ikatlong araw pagkaraan mabakante ang position ng president at vice president at magpatibay ng batas, sa loob ng pitong araw, na tumawag ng special election para sa position ng president at vice president. Ang special election na ito ay dapat maganap sa loob ng 45 na araw o hindi hihigit sa 60 na araw matapos tumawag ng special election.

Ang pagpulong ng Kongreso ay hindi maaaring suspindihin o ipagpaliban, pati na ang special election para sa president at vice president.

Pero hindi na kailangang magkaroon ng special election para sa president at vice president kung ang vacancy ay nangyari sa loob ng 18 months bago sumapit ang regular election para sa president at vice president.

Halimbawa, kung ang vacancy sa president at vice president ay mangyayari sa December 25, 2020, hindi na kailangang tumawag pa ng special election dahil ang susunod na regular election para sa president at vice president ay sa May 9, 2022, kaya ito ay pasok sa 18 month-period.

Ang Senate President o Speaker (in case of inability ng SP) ang magiging acting president hanggang alas-12 ng hapon (12:00 noon) ng June 30, 2022.

Pero papaano kung walang senate president o speaker para maging acting president?

Ang Kongreso, sa ilalim nang 1987 Constitution, ay dapat magtakda o magpasa ng batas na kung saan sasabihin nito kung sino ang magiging acting president hangga’t wala pang nahalal na president o vice president.

Sa 1935 Constitution, ang vice president ang tanging successor ng president. Wala sa line of succession ang senate president at speaker.

Hindi rin nakapagpasa ng batas ang National Assembly/Congress kung sino ang magiging acting president kung walang president at vice president bagamat katulad ng 1987 Constitution ito ay itinakda in ng 1935 Constitution.

Itinalaga ni President Manuel L. Quezon si Chief Justice Jose Abad Santos bilang acting president ng Commonwealth Government bago ito at si Vice President Sergio Osmenia ay nagself exile. Tinalaga rin ni Quezon si Senator Manuel Roxas bilang executive secretary at presidential successor.

Ang pagtatalaga kay Chief Justice Abad Santos bilang acting president at kay Senator Roxas bilang presidential successor ay hindi naaayon sa 1935 Constitution. Tila nagawa ito ni Quezon dahil hindi ginawa ng National Assembly/Congress ang kanilang constitutional duty na magpasa ng batas at magtalaga kung sino ang magiging acting president.

Hindi pa nagagampanan ng kasalukuyang Kongreso ang kanilang constitutional duty na magpasa ng batas kung saan tutukuyin dito kung sino ang magiging acting president kung sakaling walang senate president o speaker na gaganap bilang acting president.

Noong nakaraang taon, si Senator Panfilo Lacson ay nagfile ng “designated survivor” bill sa Senado kung saan nakalagay rito kung sino ang mga magiging acting president pati na ang designated survivor. Ito ay nakabinbin pa rin sa Senado.

Kaya kung sakaling magkakaroon ng isang pambihirang pangyayari (exceptional circumstances), maaring imposible pero maaaring mangyari, wala tayong “designated survivor” na gaganap bilang president.

***

Follow Atty. Rudolf Philip Jurado on Facebook @Rudolf Philip Jurado 

 

 

Read more...