SAP dapat matapos ang pamimigay sa loob ng 4 araw

SAP

MAY apat na araw na lamang umano ang mga local government units upang tapusin ang pamimigay ng emergency subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program.

Ayon kay Department of Interior and Local Government Sec. Eduardo Año naibigay na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pondo “kaya wala na pong dahilan para hindi iyan makarating sa ating mga kababayang kapos-palad.”

“May kasabihan tayo na ‘aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.’ Kaya’t ang bilin natin sa lahat ng LGUs ay bilisan ang pagbibigay natin sa kanila ng ayudang nanggaling sa pamahalaan,” saad ng kalihim.

Ayon kay Año ang gobyerno ay naghahanda na para sa pagpapalabas ng ikalawang wave ng SAP sa Mayo.

“Magsisimula na tayo ng pamimigay ng second wave  ng SAP sa Mayo.  Let us ensure that all families left out who belong to the master list will also receive the emergency subsidy this time.”

Sa ilalim ng SAP ang mahihirap na pamilya ay makatatanggap ng P5,000-P8,000 tulong pinansyal.

Ipinaliwanag naman ni DILG Spokesperson at Undersecretary for Plans, Public Affairs and Communication Jonathan Malaya na ang SAP ay maaaring makuha sa pamamagitan ng DSWD, Department of Agriculture, Department of Labor and Employment, at Department of Trade and Industry.

“Ang gobyerno ay may nakahandang ayuda para sa 18-milyong pamilya na nasa iba-ibang kategoriya. Kaya kung ang isang pamilya ay nakakuha na mula sa isang ahensiya, hindi na sila puwedeng tumanggap pa sa kabilang ahensiya except kung may butal,” ani Malaya. “Gamitin ninyo ng tama at wasto ang bigay ng gobyerno para sa inyo. Hindi mangingimi ang gobyerno na alisin sa listahan, bawian ng ayuda, o parusahan ang sinumang nagsusugal at nag-iinom ng alak sa panahon ng krisis na ito.”

Read more...