INILABAS ngayong araw ng Palasyo ang resulta ng isang survey na nagsasabing 88 porsiyento ng mga Pinoy ang naniniwala na malalampasan ng bansa ang coronavirus diseases (COVID)-19.
Sa isang briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na base ito sa survey ng Philippine Survey Research Center (PSRC) kaunay ng COVID-19.
“Now, ngayong araw ay dinadalhan ko kayo ng mabuting balita na alinsunod po sa survey na ginawa ng Philippine Survey Research Center tungkol sa sitwasyon sa COVID-19, na ang pamagat ay Public Perception Towards COVID-19, ay 88% po ang nananalig sa ating mga kababayan na malalampasan natin ang COVID-19,” sabi ni Roque.
Idinagdag ni Roque na 81 porsiyento rin ang nagsabi na naniniwala na sila na tatagal pa ang krisis ng isa hanggang tatlong buwan.
“Sa susunod na slide ay nakikita naman po kung ano ang pinakamataas na alalahanin ng mga Pilipino sa panahon ng enhanced community quarantine: Ito po ang kakulangan ng pera sa pang-araw-araw na pangangailangan; hindi sapat na pagkain sa bahay; kawalan ng trabaho; kakulangan ng mabibili sa mga palengke; at mataas na presyo ng bilihin,” ayon pa kay Roque.
Idinagdag ni Roque na ang pangunahing alalahanin ng mga nasa Class A, B, C1 ay pagkaubos ng kanilang ipon.
“Ito naman po ang aktuwal na karanasan ng mga kababayan sa panahon ng ECQ: Pinakamataas ang nagsasabing kulang ang kanilang pera sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan; na sinundan ng kawalan ng trabaho at mataas na presyo ng bilihin,” paliwanag ni Roque.
“Ano naman po ang epekto ng COVID-19 sa ating mga mamamayan? Lahat ay nagsasabi po na may kinalaman sa trabaho tulad ng pansamantalang paghinto sa pagtatrabaho – siyempre po dahil naka-quarantine tayo – pagkawala ng pagkakakitaan, pagkawala ng trabaho at pagtatrabaho ng part time,” ani Roque.