Intsik na gumagamot daw ng may Covid-19 arestado

SHOOT sa selda ang doktor na Tsino na nanggagamot umano ng mga taong tinamaan ng Covid-19 sa Parañaque City, ayon sa pulisya.

Dinakip si Yumei Liang alyas Liza Qu sa kanyang klinika sa 3985 Lt. Garcia st. corner Airport Road, Brgy. Baclaran.

Isinagawa ang pagsalakay sa establisimento ng mga tauhan ng business permit and licensing office (BPLO) at city health office.

Nakumpiska sa klinika ang mga kahon ng gamot na “Linhua Qingwen Jiaonang” at “Shuang Huang Lian Kou Fu Ye” at compound amino acid injection na gawa ng Kelum Pharmaceutical sa China.

Napag-alaman na ibinebenta ng suspek ang mga gamot sa halagang P100,000 kada isang kahon na naglalaman ng 400 pakete.

Sinabi ni Melanie Malaya, hepe ng BPLO, dalawang buwan nang operational ang nasabing klinika pero kailan lamang sa kanila itinimbre na nago-operate pa rin ito.

Nahaharap ang Tsino sa mga kasong paglabag sa city revenue code, Republic Act (RA) 3720 (Food, Drug, and Cosmetic Act of 2009) at RA 11469 (Bayanihan to Heal as One Act), at opera­ting without mayor’s permit. –Radyo Inquirer

Read more...