Mayor Tiangco ibinigay ang 27 buwang suweldo bilang donasyon

HINDI lang isang buwan kundi 27 buwang suweldo ang ibinigay na donasyon ni Navotas Mayor Toby Tiangco para matulungan ang mga taong nangangailangan na hindi mabibigyan ng tulong pinansyal mula sa Social Amelioration Program ng gobyerno.

Sa isang post sa social media sinabi ni Tiangco na kanyang ipinakuwenta ang kanyang susuwelduhin mula Abril 2020 hanggang Hunyo 2022, ang dulo ng kanyang termino.

“Ito’y aabot sa P3,291,809.76 (P121,918.88 x 27 buwan). Kahit di ko pa natatanggap ito, idodonate ko na ang buong halaga para mabigyan ang mga kababayan nating di nakatanggap ng SAP.”

Sinabi ni Tiangco na ipinauubaya na nito sa Navotas City Social Welfare and Development Office ang pagbili kung sino ang bibigyan.

“Ang payo ko lang,  isiping mabuti kung magkano ang ibibigay at sino ang bibigyan. Hal. po, kapag P8,000 per family, 411 families ang mabibigyan. Kapag P4,000, 822 families ang mabibigyan.”

Umapela naman ang alkalde sa mga hindi mabibigyan na huwag magalit sa mga tauhan ng CSWDO.

“Hindi po gusto ng CSWDO na mamili. Sa tingin ko walang matinong tao ang gugustuhin ang responsibilidad na ito, gayong alam naman natin na hindi lahat ay mabibigyan.”

“Alam ko di pa rin ito sapat para mabigyan ang lahat ng mga apektado. Pagpasensyahan niyo na po ang aking nakayanan. Nawa’y makatulong po ito para maibsan ang hirap na ating dinadanas ngayon, lalo na sa mga pamilyang walang-wala sa buhay.”

Read more...