NADISKUBRE sa Navotas City ang hiwalay na pagpaparehistro ng mag-asawa para sa tulong pinansyal na ibinibigay ng gobyerno sa ilalim ng Social Amelioration Program.
At ang nakakalungkot ay Barangay Administrator pa umano ang gumawa nito.
Ipinost ni Mayor Toby Tiangco sa kanyang social media account ang nadiskubreng ito sabay paalala na isang tulong lamang ang nakalaan sa bawat pamilya.
“Alam naman na 1 form bawat pamilya, tapos nag fill up ng dalawang form. Kaya pala pati form nagkulang at yung iba ay walang natangap na form. Ang balita ko po ay itong si Honarato Vicente ay Barangay Administrator ng Barangay San Rafael Village,” ani Tiangco.
Ang isang form ay sinagutan naman ng kanyang misis at ang inilagay na address ay sa ibang barangay.
“Sa mga iba pang hindi nag deklara ng tama sa SAC form, wag niyo na pong pahirapan ang kawani ng ating CSWD na maghanap ng mga pangalan ninyo, imbes na sila ay namimigay ng relief goods at nagdidistribute ng Social Amelioration ay naghahanap sila ng mga pangalan ninyo,” dagdag pa ng alkalde.
Nakiusap naman si Tiangco sa iba pang gumawa ng ganito na makipag-ugnayan na sa CSWD para maitama ito.
“Kapag nag kusang loob kayo, ito ay manantiling confidential,” ani Tiangco.
Nagpasalamat naman si Tiangco sa mga hindi na kumuha ng P8,000 tulong pinansyal upang mapunta ito sa mga mas nangangailangan.
“Magtulungan po tayong lahat para ang mag benepisyo sa SAP ay yung talagang nangangailangan at qualified sa programming ito.”