MUKHANG inspired nga at panay-panay na ang pagpaparamdam ngayon ni John Lloyd Cruz sa madlang pipol.
Matapos nga silang magpalitan ng hugot lines sa Instagram, na talagang ikinakilig ng netizens, muling nag-post si Lloydie ng isang video kasama si Bea Alonzo.
Kung nitong mga nakalipas na taon ay talagang dedma ang Kapamilya actor sa social media lalo na noong kasagsagan ng relasyon nila ni Ellen Adarna, tila unti-unti na ngang ibinabalik ni Lloydie ang sarili sa mundo ng showbiz.
Muling pinakilig ng aktor ang kanyang fans nang ibahagi niya sa IG ang video kung saan makikita ang mga paa nila ni Bea na pinaniniwalaang kuha nang magkasama sila sa isang boat ride.
Maririnig sa nasabing video ang pagtawa ng dating magka-loveteam habang kunwari’y nag-uusap ang kanilang mga paa. Hindi man ipinakita ang mga nasa video, kaboses ito nina Lloydie at Bea.
“Hi,” sabi ng girl. “Hello,” tugon naman ng guy.
“Kamusta ka na?” sabat uli ng babae na sinagot ng lalaki ng, “Eto, medyo masakit?” sabay tawa ng dalawa.
Tanong ng girl, “Bakit naman?” sagot naman ng guy, “Taas uric ko,” saka nagtawanan uli.
Nilagyan pa ni John Lloyd ng caption ang kanyang IG post na parang bahagi ng isang tula.
“Dalawang magkaibigan…
“Unahan nang unahan. Ang dalawang paa…
“Malaon nang nagsusunod
Hindi pa nag-aabot. Binte,” mensahe ng ex ni Ellen.
Hindi naman binanggit ni John Lloyd kung saan at kailan kinunan ang video nila ni Bea. Pero komento ng mga netizens, mukhang iba ang epekto ngayon ng aktres kay Lloydie dahil mas nagiging open na raw ito ngayon kumpara noong sila pa ni Ellen.
Hiling ng kanilang fans, sana’y bigyan nila ng chance ang kanilang mga sarili na mahalin ang isa’t isa dahil baka nga naman sa hinaba-haba ng prusisyon ay sa simbahan din ang tuloy ng kanilang relasyon.