HUMINGI ng pasensiya si Daniel Padilla sa lahat ng mga taong sumusuporta sa kanya, lalung-lalo na sa mga KathNiel fans.
Sa 25th birthday celebration kahapon ng King of Hearts sa Magandang Buhay, inamin ng binata na may mga pagkukulang din siya sa mga tagasuporta nila ni Kathryn lalo na pagdating sa paggamit ng social media.
Binigyan ng pagkakataon si Daniel na i-share sa madlang pipol ang kanyang birthday prayer at nabanggit nga niya na hindi siya yung tipo ng tao na ma-post sa socmed.
Narito ang ilang bahagi ng dasal ni Daniel para sa kanyang kaarawan: “Maraming, maraming salamat sa panibagong araw, sa bagong umagang ito sa buhay namin. Ito po ay biyaya para sa bawat isa sa amin. Kasabay nito ang aming paghingi ng tawad sa mga pagkukulang namin bilang anak, kapatid, kaibigan, at sa aming kapwa.
“At sa ganitong panahon naman po, gamitin po kami bilang instrumento at kami po ay malugod na susunod. Dahil iisa lang po ang gusto naming lahat, ang malagpasan ang crisis na ito na puno ng pagtutulungan, pagmamahalan, at siyempre pananalig sa iyo.
“At sana po ay gabayan niyo ang aming mga bagong bayani, mga frontliners, mga ospital, madaming mga sundalo, ang aming mga kapwa na nahihirapan sa sitwasyong ito. Sila po ay gabayan ninyo at bigyan niyo po sila ng lakas hanggang matapos ang crisis na ito.
“Tayo po sanang lahat ay magmahalan. Panahon na para magkaisa at sana po lahat tayo ay magtulungan mula sa itaas ng ating gobyerno at sa mga tao. Tayong lahat ay magkaisa.
“Lord, maraming maraming salamat sa lahat, sa isa na naman pong masayang kaarawan at umabot ako sa bente singko. Thank you very much Lord.
“At siyempre hindi ko puwedeng kalimutan, sa aking mga supporters, pasensya na kung sa tingin niyo nagkukulang ako sa panahon ngayon na siguro hindi ako nagpaparamdam sa pag-po-post.
“Pasensya na ho, ako ay intindihin niyo at mahina tayo sa mga online online social media. Pero hindi niyo man makita ang mga ginagawa ko, tayo po ay hindi titigil tumulong at hindi tayo titigil magbigay saya sa ating kapwa. Kaya maraming salamat sa pag-intindi.
“Sa aking mga supporters, I’ve missed you all very much. At sana samahan niyo akong mag-celebrate ng birthday ko sa kanya-kanya nating mga tahanan. Kaya all the love, and amen Lord. Thank you very much,” pahayag pa ni DJ.