Mikael, Megan nagbigay ng cash sa staff ng serye; TF ni Julie Anne diretso sa donasyon

DAHIL sa bagong extension ng enhanced community quarantine sa Luzon, stop pa rin ang taping ng mga TV programs para maiwasan pa rin ang pagkalat ng virus.

Ilan nga sa mga apektado ng tigil-trabaho ay ang staff ng GMA primetime series na Love of my Life.

Kaya naman hindi nagdalawang-isip ang Kapuso actor na si Mikael Daez na tulungan ang kanyang mga katrabaho sa teleserye. Katuwang ang asawang si Megan Young, nagpadala ng financial assistance at relief goods ang mag-asawa sa staff ng Love of my Life. 

Sa Facebook video na in-upload ng isang miyembro ng production team na si Michele Borja, mapapanood ang pasasalamat ng lahat ng staff na nabigyan ng tulong nina Mikael at Megan. 

Tunay na kahanga-hanga ang pinakitang pagtulong ng Kapuso stars sa kanilang mga katrabaho ngayong patuloy na ipinatutudad ang lockdown sa buong Luzon. 

 * * *

Dahil pa rin sa patuloy na banta ng COVID-19 pandemic, tuluy-tuloy pa rin ang pagkalap ng donasyon ng GMA Kapuso Foundation para matulungan ang mga kababayan nating apektado ng krisis. 

Kaya naman hindi rin tumitigil ang mga artista na magbigay ng kanilang tulong sa mga nangangailangan.

 Sa katunayan, nagbigay ng kani-kanilang donasyon sa GMA Kapuso Foundation ang Kapuso singer-actress na sina Julie Anne San Jose at Maricris Garcia. 

Ang ibinigay nilang donasyon na nagkakahalaga ng P50,000 each ay mula sa talent fee na kanilang natanggap sa isang fundraising concert.

Samantala, patuloy naman ang Operation Bayanihan: Labanan Natin ang COVID-19 campaign ng GMAKF para makalikom ng pondo para sa medical supplies ng frontliners at mga ospital.

Read more...