SUMAILALIM na sa inquest proceedings ang pulis na bumaril at nakapatay sa isang retiradong sundalo na may problema sa pag-iisip sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Police District director Police Brigadier General Ronnie Montejo inireklamo ng homicide si Police Master Sergeant Daniel Florendo na dalawang beses bumaril kay retired Private First Class Winston Ragos.
“Ongoing ‘yung investigation as of now, na ano na natin si Police Master Sergeant Florendo for inquest proceedings. Online inquest siya ngayon,” ani Montejo.
“We based our findings on the evidence at hand… so ‘yun lang po ang ano kung ano ‘yung evidence na nasa atin, ‘yun lang po ang pinagpasyahan natin para sa inquest proceedings,” ani Montejo. “As of now wala naman na-establish na conspiracy so ang principal lang ang tinututukan natin…”
Nagbabantay sina Florendo at tatlong police trainee ng Philippine National Police-Highway Patrol Group sa quarantine control point sa Brgy. Pasong Putik.
Wala umanong quarantine pass ang nasawi at sinigawan nito ang mga pulis nang kanilang pauwiin.