NAGSAMPA ng reklamo ang Quezon City Police District- Anti-Cybercrime Team laban sa nagpapakalat umano ng fake news laban kay Mayor Joy Belmonte.
Hindi naman pinangalanan ni QCPD Director PBGEN Ronnie Montejo ang sinampahan ng kaso na nag-post umano sa social media ng impormasyon na mamimigay ang tanggapan ni Belmonte ng P3,000 hygiene kits sa bawat pamilya sa Brgy. Sangandaan.
Nakakuha umano ang pulisya ng sertipikasyon sa Office of Mayor na walang ganitong programa ang lungsod.
Ang reklamo ay inihain sa tanggapan ni Quezon City Assistant Prosecutor Ma. Cecilia A. Estoesta (NPS Docket No. XV-03-INV-20D-02368).
Ang akusado ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 154 (Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances) sa ilalim ng Revised Penal Code (RPC) kaugnay ng Presidential Proclamation No. 922 (Declaring a State of National Health Emergency at Proclamation 929 (Declaring a State of Calamity Throughout the Philippines Due to COVID 19) at Cybercrime Prevention Act of 2012 (Republic Act No. 10175).
Sinabi ni Montejo na patuloy ang ginagawang paghahanap ng anti-cybercrime unit sa mga maling impormasyon na ipinakakalat at nagdudulot ng kaguluhan at kalituhan sa publiko.