Zoren naglaba gamit ang paa; Carmina tinawag na ‘ECQ hot mama’ 

HABANG nasa enhanced community quarantine, game na game na ipinakita ni Carmina Villarroel sa netizens ang kanyang exercise routine sa bahay. 

Sa isang Instagram post, ipinasilip ng Kapuso TV host-actress ang sikreto sa kanyang fit at seksing katawan na kahit kailan ay hindi talaga tumaba.

“Done working out. Stay safe and healthy guys!” ang caption ni Carmina sa kanyang litrato kung saan kitang-kita ang kanyang hot and healthy body.

 Hindi naging hadlang para kay Carmina ang pansamantalang pananatili muna sa bahay para pangalagaan ang kanyang figure. Tinawag pa nga siya ng ilang netizens ng “ECQ hot mama” dahil kahit nadadagdagan ang edad napanatili pa rin nito ang kanyang kaseksihan.

Kasama ang pamilya, ang asawang si Zoren Legaspi at ang kambal na sina Mavy at Cassy, sinisiguro ni Carmina na mabuti ang kalagayan niya bilang ilaw ng tahanan. 

For his part naman, tulad ng karamihan sa atin na stuck at home at hindi makalabas dahil sa lockdown, tinatrabaho rin ng Bilangin ang Bituin sa Langit actor na si Zoren Legaspi ang mga gawaing bahay gaya na lang ng paglalaba. 

Pero ibahin n’yo si Zoren dahil sa halip na mag-washing machine, ang old fashion way ng paglalaba ang ginagawa niya gamit ang kanyang mga paa.

 Ayon pa kay Zoren, hindi lang matuturing na paglalaba ang kanyang ginagawa kung hindi dagdag exercise na rin. “Old school laba… cardio workout. Hindi porket naka-hanger sa cabinet eh malinis na!” saad ni Zoren. 

Hindi naman pinalagpas ng netizens na ihalintulad ang paraan ng paglalaba ng aktor sa kanilang mga magulang at lolo’t lola, “Hahaha! looks fun tatay! Ganyan maglaba ang lola ko!”

 Dahil tigil muna sa taping ang kanilang serye na Bilangin ang Bituin sa Langit, itinutuon ni Zoren ngayon ang kanyang oras sa pagpapaabot ng tulong sa mga pamilyang apektado ng COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng pamamahagi ng relief goods katuwang ang asawang si Carmina at kambal na anak.

Read more...