WALANG makapapantay sa legacy ni Michael Jordan.
Matapos na maipalabas ang unang dalawang episodes ng 10-part docu-series na “The Last Dance”, ito ang naging “most-viewed documentary content ever” ng ESPN.
Pumalo sa 6.1 million viewers ang nanood ng istorya tungkol kay Jordan at sa huling championship ng Chicago Bulls noong 1997-98 NBA season. Ito sixth overall crown ng Bulls para sa kanilang ikalawang three-peat sa liga matapos ang 1991-1993 Grand Slam.
Iniulat ng Forbes na ibibigay ng NBA legend ang lahat ng kanyang kikitain sa charity. Magkano? aabot sa $3 million hanggang $4 million ang parte ni Jordan sa palabas.
Napapanahon ang desisyon ng tinaguriang “greatest of all-time” ngayong hinaharap ng mundo ang mapanganib na gera kontra COVID-19 pandemic.
Base sa Forbes, may tinatayang $2.1 billion net worth si Jordan na naglaro sa Chicago franchise sa loob ng 13 seasons kung saan niya sinungkit ang limang NBA Most Valuable Player awards.
Trending pa rin at pasok sa Top 10 most viewed shows ng Netflix dito sa Pilipinas ang “The Last Dance”.