Baste tuloy ang donasyon sa frontliners: Ipagpe-pray ko rin po kayong lahat

BUKOD kay Scarlet Snow Belo, ang isa pang celebrity kid na super busy sa relief mission ngayong may health crisis sa bansa ay ang Dabarkads na si Baeby Baste.

Sa murang edad ay alam na ng youngest host ng Eat Bulaga ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa kaya naman puring-puri siya ng publiko, lalo na ng mga frontliners na kanilang natutulungan.

Ilang beses nang pagpadala ng mga donasyon ang Kapuso child star para sa PNP at medical frontliners na patuloy na nakikipaglaban sa COVID-19 pandemic.

Kamakailan, muling ipinamahagi ni Baeby Baste ang second batch ng kanyang donation para sa mga miyembro ng PNP na walang pagod na nagbabantay sa mga checkpoints.

Sa kanyang Instagram account, ipinost ng bagets ang ilang litrato ng kanilang mga donasyon katuwang ang ilang kapulisan.

Caption ni Baste, “Para sa atong mga dabarkads nga PNP Frontliners…. daghang salamat po sa inyong pag serbisyo para sa katawhang Pilipino. 

“Saludo po kami sa inyo…. in our own little way, sana po ay makapag bigay ng ngiti po ito sa inyo… ipag-pray ko po kayong lahat,” aniya pa.

Bukod dito, nagpadala rin ang child star ng donasyon sa medical frontliners sa Saint John the Baptist Medical Center ng Barangay Parian, Calamba City at sa PNP frontliners sa Kiangan building sa Camp Crame.

Malapit ang puso ni Baste sa mga pulis dahil ang kanyang Papa Sol ay member ng PNP personnel na nagbibigay din ngayon ng serbisyo bilang frontliner. 

Ang isa pang celebrity kid na tumutulong ngayon sa mga frontliners ay ang anak nina Vicki Belo at Hayden Kho na si Scarlet Snow na kahit bata pa ay tinuruan nang maging bukas ang puso sa mga nangangailangan.

Read more...