Kanino magmamana: Bimby magiging basketball player kaya o talkshow host? 

HANGGANG ngayon ay nasa Puerto Galera pa rin ang mag-iinang Kris Aquino, Josh at Bimby. 

Pero wala na sila sa beach house ni Willie Revillame, naka-check-in na sila ngayon sa isang hotel, bumalik na kasi sa Maynila ang aktor-TV host.

    Pero naiwan si Check Tinsay, talent coordinator ng Wowowin, para mag-asikaso sa mag-iina ng kanilang mga pangangailangan.

    Nagdiwang ng kanyang 13th birthday si Bimby nu’ng Linggo, natural, dahil sa enhanced community quarantine ay simpleng-simple lang ang naging selebrasyon ng bunso ni Kris.

    Teenager na nga si Bimby, at napakatangkad sa kanyang edad, manang-mana ito sa kanyang basketbolistang amang si James Yap na hindi nakalimot na bumati sa anak nito sa Instagram.

    Hindi man maayos ang sitwasyon sa pagitan ng kanyang mga magulang ay hindi naman pinababayaan ni James na lumipas nang basta ganu’n na lang ang kaarawan ng kanyang anak.

    Hindi man sila nagkikita ni Bimby ay napaabot naman nito ang kanyang pagmamahal, gustuhin man kasi ni James na magkasama sila ay hindi ganu’n kadali ang lahat, dahil depende ‘yun sa takbo ng mood ni Kris.

    Sana’y magmana rin si Bimby sa pagiging mahusay na basketbolista ng kanyang ama, sayang naman ang kanyang katangkaran kung hindi magagamit sa basketball, meron naman itong pagmamanahan.

    Nakakatawa ang reaksiyon ng isang kausap namin, ang sabi nito, “Mukhang hindi susunod sa mga yapak ni James ang anak nila ni Kris! Parang sa mga video kasing ipino-post ni Kris, e, mas gusto niyang maging talk show host si Bimby!”

    Kunsabagay, may sariling isip naman si Bimby, parehong may linyang kinabibilangan ang kanyang mga magulang, ang bagets na ang bahalang pumili kung anong mundo ang gusto nitong pasukin, ang pagiging basketball player ba o pagiging talk show host?

Read more...