‘Wag kumuha ng balita sa social media- DILG

SA mapagkakatiwalaang media outlet at hindi sa social media kung saan laganap ang “fake news” dapat na kumuha ng balita ang mga tao, ayon kay  Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya.

Pinayuhan ni Malaya ang publiko matapos pabulaanan ang kumakalat na voice clip na nagsasabing magpapatupad ng total lockdown ang gobyerno bilang paghihigpit para mahinto ang paglaganap ng coronavirus. Aniya, walang utos na ganito.

Sinabi ng babaeng nagsasalita sa voice clip na kailangan mag-stock ng pagkain na tatagal ng isang linggo sakaling ipatupad ni Pangulong Duterte ang total lockdown o martial law hanggang April 30. Dagdag ng babae, walang papayagang lumabas ng bahay.

Ang enhanced community quarantine hanggang April 30 ay nililimitahan ang mga tao na umalis ng bahay maliban kung bibili ng pangangailangan.

Binalaan ni Malaya na maaaring managot ang mga nagpapakalat ng voice clip sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act. Kumikilos na ang kinauukulan para umaskyon, aniya.

“My advice to our countrymen is not to get our news on social media because it is not a reliable source of news,” ani Malaya sa Laging Handa briefing.

Idiniin din niya na sumusunod sa journalists’ code of ethics at nakabatay sa tamang source ang government at private media networks.

Maaari rin nilang bisitahin ang www.covid19.gov.ph kung saan makikita ang ginagawa ng pamahalaan para puksain ang COVID-19.

Read more...