UMAPELA si Ang Probinsyano Rep. Alfred delos Santos sa Department of Trade and Industry na i-waive na ang renta sa inuupahan ng mga Micro, Small and Medium Enterprises.
Ayon kay delos Santos hindi sapat na gawing staggered o hulugan ang pagbabayad sa renta ng mga MSMEs na walang kinita sa panahon ng Enhanced Community Quarantine sa Luzon.
Sumulat si delos Santos kay DTI Sec. Ramon Lopez at hiniling na baguhin nito ang Memorandum Circular No. 20-12 na ipinalabas nito noong Abril 5 kung saan na nakalagay na ang renta sa panahon ng ECQ ay maaaring pabayaran ng hulugan sa loob ng anim na buwan.
“Instead of a 30-day grace period or a six-month installment payment plan which will still entail full rental costs on the part of MSME despite the lack of inflow of income and continuing overhead costs, we are respectfully suggesting to either waive the rental costs for MSMEs for the duration of the ECQ or provide a certain percentage of discount on the rental costs of MSMEs,” ani delos Santos.
Sa ganitong paraan ay mas mabilis umanong makakabangon ang mga MSMEs.
“Wala kasi silang kita ngayon tapos kahit naman walang operations, nagpapasahod pa rin yung iba sa mga empleyado nila at may passive operational costs din para sa mga equipment nila, freezer, storage at iba pa. Puro palabas yung pera ng mga MSME kaya kung hindi natin sila tutulungan baka malugi ang marami sa kanila,” saad ni solon.
Ayon kay delos Santos mahalaga ang pagbibigay ng tulong sa mga MSMEs upang maiwasan din na magtanggal ng empleyado ang mga ito.
“Malaking porsyento ng mga trabaho ang nililikha ng mga MSME at kung malulugi sila, magkakaron ng domino effect ito. Kaya dapat bawasan natin kahit konti yung mga kailangan nilang bayaran sa commercial rents para pagkatapos ng ECQ ay kaya nilang makabawi sa negosyo,” dagdag pa nito.