Abu Sayyaf bomb expert todas sa AFP

Ang napatay na Abu Sayyaf

PATAY ang isang kasapi ng Abu Sayyaf na bihasa umano sa paggawa ng bomba, nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan sa Talipao, Sulu, Sabado ng gabi.

Nakilala ang napatay bilang si alyas “Vikram,” apo ni Abu Sayyaf commander Radullan Sahiron, sabi ni Lt. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Armed Forces Western Mindanao Command.

Naganap ang engkuwentro dakong alas-9:45, habang tinutugis ng mga tauhan ng AFP Joint Task Force-Sulu ang dalawang bandidong magkaangkas sa motorsiklo, sa Brgy. Bilaan.

Umabot ang habulan at barilan sa Brgy. Lambana, kung saan napatay ang isa sa mga bandido habang ang isa pa’y nakatakas, ani Sobejana.

Ayon kay Maj. Gen. Corleto Vinluan, commander ng JTF-Sulu, si “Vikram” ay kilalang gumagawa ng improvised explosive devices, at sangkot sa mga pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral ng Jolo at sa himpilan ng 1st Brigade Combat Team.

Sangkot din si “Vikram” sa sagupaan sa Patikul noong Biyernes, kung saan 11 kawal ng Army 21st Infantry Battalion ang napatay at 14 pa ang nasugatan.

Kaugnay nito, inilipad ang labi ng walo sa mga nasawing kawal mula sa himpilan ng AFP Western Mindanao Command sa Zamboanga City patungong Villamor Air Base, Pasay City, Sabado ng gabi.

Pito sa walo’y mga taga-Luzon at isa ang taga-Visayas, habang ang tatlopang nasawi’t taga-Mindanao, ayon kay Col. Ramon Zagala, tagapagsalita ng Army.

Nakatakdang ihatid sa kani-kanilang hometown ang mga nasawi sa ngayong araw (Linggo), aniya.

Read more...