PINAIIMBESTIGAHAN ng isang congresswoman sa Department of Labor and Employment ang isang kompanya na ang pasuweldo ay hindi umaabot sa minimum wage at nag-abandona ng kanyang mga empleyado sa isang construction site sa Pasig City.
Nag-viral sa social media ang video ng mga trabahador ng Cecon Corp., sa Exchange Square project sa tabi ng Tektite Building, Exchange Road, Ortigas, Pasig City, na humihingi ng tulong dahil wala na silang makain.
Personal na pinuntahan ni Taduran ang lugar upang kausapan ang mga inabandonang trabahador.
Dito nalaman ni Taduran na pinapasahod lamang ang mga construction worker ng P375 kada araw samantalang ang mga karpintero ay P475. Ang mga trabahador ay tauhan ng subcontractor ng Cecon.
“Cecon did not even bother to think that they left hungry workers at their construction sites. Ni hindi raw sila sinilip nitong project manager na si Engineer Gerry Villanueva o kahit yung mga subcontractors nila. And when the workers asked if they could get help from DOLE through the Covid 19 Adjustment Measures Program, they were told by the company that they can’t apply for the assistance. How can they apply if they are violating the minimum wage law and their workers don’t have social and health insurances as well?” tanong ni Taduran.
May 106 manggagawa sa Exchange Square project at maaari umano na ganito rin ang kalagayan ng mga empleyado sa lima pang proyekto ng Cecon.
Nagpadala naman ng food assistance si ACT CIS Rep. Eric Yap sa mga trabahador sa Exchange Square project.
Sinabi umano ng mga trabahador na hahatian nila ang 136 manggagawa sa One Filinvest na isa sa mga proyekto ng Cecon.
Nakausap na ng mga mambabatas si Labor Sec. Silvestre Bello na nangako ng agarang aksyon.