UMABOT na sa 11 sundalo ang nasawi, kabilang ang isang opisyal, habang 14 pa ang nasugatan nang makasagupa ang may 40 miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Patikul, Sulu, Biyernes ng hapon.
Kinumpirma sa Bandera ni Lt. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng AFP Western Mindanao Command ang nangyaring sagupaan na ikinasawi ng 11 sundalo kabilang na ang isang opisyal.
“This afternoon, we lost 11 brave soldiers and 14 others were injured while securing the people of Sulu from the cruelty of the Abu Sayyaf,” pahayag ni Sobejana.
Nakilala na ang mga nasawi, bagamat hindi muna ito ipaalam sa publiko.
Sa hiwalay na ulat na nakalap, sinasabing ang mga nasawi’t nasugatan ay pawang mga miyembro ng Army 21st Infantry Battalion.
Kabilang umano sa mga nasawi ang isang junior officer ng naturang unit, habang ang iba’y pawang mga enlisted personnel.
Nagsimula ang sagupaan sa Sitio Bud Lubong, Brgy. Danag, dakong alas-3 at tumagal nang halos isang oras.
Nagsasagawa ng combat operation ang isang kompanya ng 21st IB nang makasagupa ang aabot sa 40 bandidong pinamunuan nina Radullan Sahiron at Hatib Hajan Sawadjaan, ayon sa ulat.
Bukod sa mga casualty na idinulot, nakatangay din umano ng ilang matataas na kalibreng baril ang mga bandido. Di pa mabatid kung may mga nasawi o nasugatan din sa panig ng Abu Sayyaf, bagamat napaulat na may mga nakitang bakas ng dugo sa pinuwestuhan ng grupo. Nagpadala na ng karagdagang kawal at kagamitan ang militar para tugisin ang mga bandido.