Covid-19 ceasefire ng CPP-NPA pinalawig pa

INUTUSAN ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang New People’s Army na palawigin ang pagpapatupad ng sarili nilang tigil-opensiba sa buong bansa, para matugunan ang krisis na dulot ng 2019-Coronavirus disease (COVID-19).

Sa isang kalatas, sinabi ng CPP na pinalawig ng Central Committee ang ceasefire hanggang 11:59 ng gabi ng Abril 30, mula sa naunang deklarasyong napaso Miyerkules ng gabi.

Ayon sa komite, pinatitigil ang opensiba ng NPA at Milisyang Bayan laban sa Armed Forces, National Police, at iba pang armadong sangay ng gobyerno paara mapangasiwaan ang pamamahagi ng tulong, sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Ang mga rebolusyonaryong pwersa, sa ganitong kalagayan, ay patuloy na nakahandang makipagtulungan sa iba pang pwersa at elemento para sa mga layuning ito.”

“Dapat mahigpit na ilimita ng mga yunit ng [NPA] ang kanilang sarili sa mga operasyon ng aktibong depensa na isasagawa lamang sa harap ng malinaw at nagbabantang panganib at aktwal na armadong pag-atake ng pwersang kalaban.”

Inatasan din ng komite ang NPA na panatiliin ang “pinakamahigpit na sikretong pagkilos at pangangalaga sa seguridad” dahil sa inaasahang paniniktik at pag-atake ng AFP.

– end –

Read more...