IRAN nakapasok sa SEMIFINALS

IBINAON ng Iran ang mapait na karanasan sa Jordan sa nagdaang edisyon sa inangking 94-50 panalo sa 27th FIBA Asia Men’s Championship knockout quarterfinals kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang 7-foot-2 center na si Hamed Hadadi ay may 20 puntos bukod pa sa walong rebounds at tatlong blocks habang apat pang Iranian players ay nagsanib sa 54 puntos na higit na sa kabuuang naiskor ng Jordan.

Noong 2011 sa Wuhan, China ay sinibak ng Jordan ang Iran, 88-84, para umabante sa semifinals. Kontrolado ng Iranians ang rebounding, 41-24, at hinawakan ang 34-18 kalamangan sa inside points upang katampukan ang panalo.

“We’re much concentrated today. This game is already done, now we’re thinking for tomorrow’s game,” wika ni Iranian coach Mehmed Becirovic.

Si Jimmy Baxter ay mayroong 13 puntos ngunit siya lamang ang manlalaro ng Jordan na nasa double digits para malaglag sa battle-for-fifth ang runner-up sa Wuhan edition.

Ang makakalaban ng 2007 at 2009 champions na Iran ay ang Chinese Taipei na ginulat ang pinaboran at nagdedepensang kampeon China sa 96-78 tambakang panalo sa ikalawang laro.

Bumangon ang Taiwanese team mula sa masamang paglalaro sa first half sa ikatlong yugto nang umiskor sila ng 31 puntos para kunin na ang liderato sa labanan, 71-62.

Naipakita ni naturalized center Quincy Davis III ang bangis ng kanyang laro sa kinamadang 26 puntos, 10 rebounds at tatlong blocks upang makipagtulungan kina Tsai Wen-Cheng, Lin Chih-Chieh, Lei Tien at Chen Shih-Chieh para mapalakas ang laban para sa puwesto sa semifinals.

May 21 puntos si Tsai bukod sa pitong rebounds habang si Lin ay mayroong 17 puntos at pitong assists. Sina Tien at Hung ay may 13 at 11 puntos para sa Taiwanese team na tumapos sa kahanga-hangang 60% shooting (36-of-60) kasama ang 10-of-20 performance sa 3-point line.

May 22 puntos at 10 rebounds si Yi Jianlian pero hindi niya napigilan si Davis sa ikatlong yugto para mamaalam ang nagdedepensang kampeon.

Sa pamamaalam ng China, kailangan silang mabigyan ng wild card ng FIBA para makasali sa 2014 FIBA World Cup na gaganapin sa Madrid, Spain.

Read more...