ISANG rebelde at militiaman ang naiulat na napatay sa mga opensiba ng militar at New People’s Army kasabay ng pagwawakas ng tigil-putukan na ipinatupad ng gobyerno at mga rebeldeng komunista para matugunan ang krisis na dulot ng 2019-Coronavirus disease (COVID-19)
Nagwakas ang unilateral ceasefire ng gobyerno at mga rebeldeng komunista alas-11:59 ng gabi Miyerkules, at di pa mabatid kung ito’y palalawigin.
Ilang oras matapos ang pagwawakas ng ceasefire, isang rebelde ang napatay nang makasagupa ng mga sundalo’t pulis ang mga kasapi ng NPA sa sa Irosin, Sorsogon, dakong alas-7:40 ng umaga Huwebes.
Nagsasagawa ng operasyon ang 31st Infantry Battalion at Sorsogon Provincial Mobile Force Company sa Sitio Tongdol, Brgy. Gabao, nang makasagupa ang mga rebelde, ani Capt. John Paul Belleza, tagapagsalita ng Army 9th Infantry Division.
“Intelligence monitoring” ang isinagawa sa lugar nang maganap ang bakbakan, ayon naman sa ulat ng pulisya.
Tumagal nang 10 minuto ang palitan ng putok, bago umatras ang mga rebelde, ani Belleza.
Walang nasugatan sa mga sundalo’t pulis, na nakarekober sa bangkay ng nasawing rebelde, isang M16 rifle, mga anti-personnel mine, at iba pang kagamitan, aniya.
“‘Yung unilateral ceasefire ay tapos na. Kahit may ceasefire, is nandun lang sila (mga rebelde) sa distance ng mga community. May allowable distance kung puwedeng magconduct ng security operation ang tropa,” ani Belleza.
Kasabay nito, inulat ng militar na pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga diumano’y kasapi ng NPA ang isang militiaman ng gobyerno sa San Miguel, Surigao del Sur.
Napatay si Wilson Behing, isang miyembro ng Civilian Active Auxiliary na nakatalaga sa Brgy. Bitaugan, ayon kay Maj. Francisco Garello, tagapagsalita ng Army 402nd Brigade.
Nililinis ni Behing ang kanyang bukid sa Sitio Lamesa, Brgy. Carromata, alas-6 ng gabi Martes nang siya’y pagbabarilin ng limang rebeldeng pinamunuan ni Arnel Banguis alyas “Dindo,” ng Sentro De Gravidad 21, North Eastern Mindanao Regional Committee, ani Garello.
Pasok ang insidente sa panahong itinalaga ng mga rebelde para sa kanilang ceasefire at nagpapakita ng kanilang paglabag sa sariling deklarasyon, aniya.
‘AFP, PNP lumabag sa ceasefire’
Sa isang kalatas, iginiit ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na ang pulisya at militar ang lumabag sa sariling ceasefire ng gobyerno.
Nagsagawa ang Armed Forces at National Police ng mga opensiba sa 196 barangay ng 96 bayan mula Marso 16 hanggang Abril 15, ayon kay Luis Jalandoni, miyembro ng executive committee at national council ng NDFP.
Matatandaan na ang NDFP ang nag-rekomenda ng ceasefire ng mga rebelde, matapos manawagan ang United Nations ng tigil-putukan sa magkakalabang grupo para matugunan ang COVID-19.
Ayon kay Jalandoni, nagsumite na siya ng liham kay U.N. Secretary-General Antonio Guterres tungkol sa mga paglabag ng AFP at PNP sa sariling ceasefire ng gobyerno.
Pag-aaralan pa ng NDFP, Communist Party of the Philippines, at NPA kung tuluyan nang wawakasan o palalawigin pa ang kanilang ceasefire, aniya pa.
“The ceasefire declaration emanated from Malacañan. Let us await any guidance or announcement about it,” sabi naman ni AFP spokesman Brig. Gen. Edgard Arevalo nang tanungin kung palalawigin pa ng gobyerno ang sarili nitong ceasefire.
NPA commander sumuko
Sa kaugnay na balita, isang lokal na commander naman ng NPA ang sumuko sa mga tropa ng pamahalaan sa Negros Occidental, Huwebes ng umaga.
Sumuko si Jonel Moreno alyas “Roy,” residente ng Himamaylan City at commander ng isang guerilla front sa Central Negros, sa mga tauhan ng 62nd Infantry Battalion, ayon sa ulat ng Army 303rd Brigade.
Ang pagsuko’y pinangasiwaan ng 62nd IB at 94th Infantry Battalion.
Isinuko ni Moreno ang isang M16 rifle, kalibre-.45 pistola, tatlong magazine, sari-saring bala, at handheld radio.
Kahirapan, gutom, at mga di natupad na pangako ang idinaing ng sumukong NPA commander, ayon sa militar.