Palasyo sa pasaway na Pinoy: Nakakahiya kayo!

PARA sa Malacanang, isang malaking kahihiyan ang kawalan ng disiplina at paglabag sa Luzon-wide enhanced community quarantine protocols ng mga Pilipino.

Ito ang sinabi ni presidential spokesman Harry Roque matapos manguna ang Pilipinas sa mga bansang nasa Southeast Asian sa paramihan ng kaso ng COVID-19 kahit naka-lockdown pa ang Luzon.

“Ang dami pong pasaway sa atin. At dahil po diyan number one na naman po tayo sa Asean sa dami ng COVID-19. Nakakahiya po yan!” ani Roque.

“Itigil n’yo na po ang pagiging pasaway, manatili po tayo sa ating tahanan,” dagdag niya.

Kahapon ay pumalo sa 5,453 ang confirmed cases sa Pilipinas na sinundan ng Indonesia (5,136) at  Malaysia (5,072).

Sinabi pa ni Roque na tanging ang Pilipinas lang ang bansa na nagka-traffic kahit may lockdown.

“Kung ikukumpara po ninyo ang ECQ sa ibang bansa, sa Singapore lahat sumusunod. Sa Malaysia, ganyan din. Dito lang sa Pilipinas nagkaroon ng traffic sa SLEx at sa Divisoria despite ECQ,” aniya.

“Mahiya naman po tayo. Hindi ko na po ide-deny ‘yan dahil dapat tayong mga Pilipino mahiya dahil nagpapakita tayo ng kawalang disiplina e samantalang ginagawa naman po natin to dahil iniiwasan nating magkasakit ang ating mga kababayan,” dagdag ng opisyal.

Read more...