NAGLABAS ng guidelines ang Quezon City government kung ilang tao lamang ang maaaring payagan na pumasok sa isang palengke.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte mahigpit na ipinatutupad ang social distancing sa mga palengke maging pribado man ito o pampubliko.
“We understand that our residents still need to go out and buy their essentials such as food. That’s why we make sure to keep them safe by enforcing the protocols of social distancing and the wearing of facemasks,” ani Belmonte sa isang pahayag.
Ayon kay Assistant City Administrator for Operations Alberto Kimpo inatasan ang walong city-owned market at 72 privately-owned markets at talipapa na sukatan ang kanilang walkway.
Ang ratio ay isang tao sa bawat isang metro kuwadrado.
“Kung ang walkway nila ay may sukat na 20 square meters, dapat ang papapasukin lang sa palengke ay dalawampung katao. Inaatasan din natin ang market owners na maging responsable sa pagpapatupad ng kaayusan ng pila papasok sa kanilang palengke,” paliwanag ni Kimpo.
Dapat din umanong magpatupad ng single entry at exit points kung saan mayroong hugasan ng kamay at alkohol. Kailangan din na dala ang quarantine pass at may facemask ang mamamalengke.
“Maglalagay din tayo ng CCTV monitors lalo na sa mga malalaking palengke para mabantayan at masiguro natin ang kanilang kaayusan,” ani Kimpo.
Bukas ang mga palengke mula alas-5 ng umaga hanggang 6 ng gabi.
Sarado naman dapat ang mga stall na hindi essential goods ang tinda gaya ng ukay-ukay na damit at cellphone accessories. Libre naman umano sila sa upa.