PUMALO na sa 55 ang bilang ng mga pulis na nagpositibo sa 2019-Coronavirus disease (COVID-19).
Sa naturang bilang, lima ang naitalang bagong kaso, ayon kay PNP Health Service director Brig. Gen. Herminio Tadeo Jr.
Sila’y kinabibilangan ng isang 43-anyos at 36-anyos na kapwa mula Laguna; 29-anyos na mula Muntinlupa City; 29-anyos na mula Taguig City, at 50-anyos na mula Bulacan, aniya.
Noong Martes ay 18 pulis at dalawang non-uniformed personnel ng PNP, na pawang mga nakatalaga sa Metro Manila, ang nakumpirmang may COVID-19.
Bukod sa mga nagpositibo, mayroon namang 105 tauhan ng PNP na “probable” persons under investigation (PUI). Kinabibilangan sila ng 20 commissioned officer, 84 non-commissioned officer, at isang non-uniformed personnel.
Mayroon ding 456 na “suspected” PUI na kinabibilangan ng 99 commissioned officer, 320 non-commissioned officer, at 37 non-uniformed personnel.
Walong pulis pa lang ang nakakarekober sa COVID-19, ayon sa PNP.