Ethel Booba napaiyak: Wala akong pakialam sa politika…at hindi ako anti-Duterte

“NAIIYAK ako dahil hindi natin alam kung makakalabas pa ba tayo.”

Ito ang emosyonal na pahayag ng stand-up comedienne na si Ethel Booba nang humarap sa madlang pipol para magpaliwanag ang pekeng Twitter account na gumagamit sa pangalan niya.

Sa pamamagitan ng kanyang latest vlog, inisa-isa ng komedyana ang punto kung bakit ngayon lang niya ipinaalam sa publiko na ang Twitter account na may 1.6M followers na nakapangalan sa kanya ay fake.

Unang chika ni Ethel, hindi siya ang may-ari ng Twitter na @IamEthylGabison at hindi niya kilala ang admin nito.

Aniya taong 2012, may kumontak sa kanya at nagpakilalang big fan daw siya at nu’ng panahong yun ay active pa ang Twitter account niyang @IamRealGabisonEthyl.

“Sabi niya sa akin, ‘Hi Ms. Ethel, fan mo ko’ pero ‘yung pangalan Ethel Booba. So, sino ‘to? Bakit parang ginagaya niya ako?” lahad ng singer-comedienne.

Hanggang sa hindi na niya naasikaso pa ang kanyang account dahil nakalimutan na rin niya ang password nito. Sabi ni Ethel, noong 2016, may nag-follow daw na “fan” sa mga kapatid niya sa Twitter kaya nagtaka ang mga ito dahil hindi nila alam na may bago siyang account.

“So, nagtaka at na-curious ako. Tiningnan ko at napansin ko na parang kinokopya niya yung mga sinusulat ko sa Facebook at nilalagay niya sa Twitter.

“Kuhang-kuha niya talaga at natuwa naman ako sa mga tweets niya kasi ‘di naman nakaka-harm. Mga quotes na nakakatawa lang,” aniya pa.

Dahil sa mga funny tweets at punchlines sa nasabing account, tumawag na raw ang Viva para gumawa ng libro base sa mga posts sa nasabing Twitter account.

“Ito na nga nagkaroon na ako ng book dahil marami ang sumuporta sa akin. At nagpapasalamat ako dahil natuwa kayo at sa Viva na nagtiwala sa akin. So, kinailangan ko ‘yung angkinin dahil ginagaya rin naman niya ako and nagpi-feed naman ako sa kanya ng mga nakakatawa,” esplika pa ni Ethel.

Pero last year nga hindi na niya nagugustuhan ang mga tweet ng kanyang poser dahil masyado na raw itong political kaya nag-private message na siya sa admin tungkol dito.

“Sabi ko sa kapatid ko, kasi siya nga yung nakakausap, ‘Sabihan mo nga yan na ‘wag masyadong mamulitika at wala naman akong kahilig-hilig diyan. E ‘di sana kumandidato na ako…ako na mismo. Ang dami kong followers e ‘di nanalo na ako,” lahad pa ng komedyana.

“Lalo akong nabuwisit dahil lalo na sa mga sitwasyong ngayon, may pandemic tayo na nangyayari sa buong mundo. We are in a very desperate situation right now.

“Naiiyak ako dahil hindi natin alam kung makakalabas ba tayo. Hindi kasi ano, bakit parang pinagmumukha mo akong maramot? Hindi ako maramot na tao,” umiiyak nang pahayag ni Ethel.

Ayon naman sa partner niyang si Jessie Salazar na maririnig na nagsasalita sa likod ng camera, nadadamay na raw kasi ang buong pamilya lalo na ang kanilang anak.

Hirit naman ni Ethel, “Ako ‘yung unang naging promotor na magpa-fund raising. May anak lang ako ngayon kaya hindi ko maasikaso. Nagtu-tweet ka pa ng kung anu-ano kapapanganak ko lang. Naiinis ako kasi pati ‘yung anak natin nadadamay.

“Nagbuntis ako at wala na nga akong pakialam diyan. Ang tagal ko nang walang koneksyon sa Twitter at ka-contact niya,” chika pa ni Ethel.

Tungkol naman sa akusasyon na pinagkakitaan niya ang fake account, “E, di sana ang yaman-yaman ko na, sa dami ng mga siniraan niya. Sana nagbigay na ko ng saku-sakong bigas diyan.”

“Wala nga akong pakialam sa politika-politika na yan, e. At sa mga nagtatanong kung Dilawan o ano, sinuportahan ko ang Pangulo, sa ano, sa kampanya. Binoto ko nga yung tao, e, tapos kokontrahin ko? Ano ba naman.

“Nakakaloka kayo. Masyado kayong mapanghusga, ayaw n’yo na muna akong pakinggan,” sabi pa ni Ethel.

Sa huli nanawagan siya na huwag tigilan na ang pamba-bash at magkasundo na lang. Ipinagdiinan din niya na hindi siya anti-Duterte.

Read more...