Sylvia maalaga sa katawan, malinis sa bahay pero nagka-COVID pa rin

NAKAHINGA na nang maluwag ang buong pamilya nina Art Atayde at Sylvia Sanchez dahil ligtas na sila sa COVID-19.

    Matinding pag-aalala at kalungkutan ang bumalot sa kanilang mga anak at kaibigan nang matuklasang positibo sila sa corona virus.

    Sino nga ba ang mag-aakala na ang tulad ni Sylvia na malinis sa katawan at masinop sa kanilang tahanan ay dadapuan pala ng sakit na milyon na ang pinupuksa ngayon sa buong mundo?

    Madalas kasing sabihin na karumihan daw ang dahilan ng salot na ito, kaya nga panay-panay ang paalala ng DOH ang madalas na paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol, kaya maraming nagtataka kung bakit tinamaan ang mag-asawa?

    Wala talagang pinipiling dapuan ang corona virus. Hindi rin ginagawang kunsiderasyon ngayon kung mayaman o mahirap ka, kahit sino ay maaaring maging biktima ng mikrobyo.

    Una ay si Iza Calzado na napagtagumpayan ang virus, sumunod ay si Christopher de Leon na ngayon ay negatibo na rin, at ang pinakahuli ay sina Art at Sylvia na may isang resulta na lang ng kanilang test ang hinihintay ngayon.

    Nadadalaw na sila ng kanilang mga anak, hindi na delikado ang kanilang sitwasyon pati ang mga makakasalamuha nila, maraming salamat at maayos na ang mag-asawa ngayon.

    Matinding problema ang hatid ng mikrobyong ito, maraming apektado, kaya kailangan talaga nating ipagpatuloy pa ang pagdarasal na sana’y masugpo na ang COVID-19 na buong mundo ang ginagambala at pinahihirapan.

Read more...