KINARIR ni Ara Mina ang pagbe-bake ng sandamakmak na cupcakes para sa mga bayaning frontliners na walang pagod na nagtatrabaho para labanan ang COVID-19.
Sa pamamagitan ng kanyang bakeshop chain na Hazelberry Café, dose-dosenang cupcake ang pinaghirapang gawin ni Ara para sa mga pulis, doktor at nurse na patuloy na nagbubuwis ng buhay para sa sambayanan.
Sa kanyang Instagram account, ipinost ni Ara ang screenshots ng mga eksena kung saan makikita ang mga frontliners na nakakuha ng mga cupcake ng aktres.
Ani Ara, naniniwala siya na kahit paano’y makakadadag sa energy at powers ng mga bagong bayani ang kanyang baked goodies na talagang nakalagay pa sa magagandang box.
“Eto lang ma-help ko somehow sa mga frontliners natin, simple desserts na I baked from the heart para naman magka-energy sila,” bahagi ng caption sa kanyang IG post.
Pati ang mga employees ni Ara sa kanyang bake shop na tigil muna sa pagtatrabaho dulot ng enchanced community quarantine ay mabibigyan din ng food packs.
“Pahinga muna sa orders ng #Hazelberry. Ayusin namin ang mga para sa staff namin. Thank you Lord for providing,” ani Ara.
“Siyempre bukod sa pagtulong natin sa frontliners at ilang individuals sa munting kakayanan namin at sariling sikap ‘di rin namin kinalimutan ang mga employees sa @hazelberryofficial.
“Siyempre may kasamang canned goods din ito. Nasa house naman ng partner kong si @christineangela21 naka-ready na rin,” dagdag pa ng aktres.