HINULI ng mga pulis sa Dauis, Tagbilaran City ang 24-anyos na lalaki na pakalat-kalat noong Lunes, na isang paglabag sa umiiral na quarantine kontra Covid-19.
Nang hingan ng quarantine pass, pass para sa tukis o tupada ang umano’y ipinakita ng lalaki sa mga pulis.
Sa presinto, sinabi ng lalaki na maging siya ay nagulat na
“tukis pass,” na may lagda pa ng chairman ng Brgy. Totolan na si
Raldo Rollorazo, ang hawak niya.
Pinakawalan naman ng pulisya ang lalaki at sinabihan na bumalik sa barangay para sa paliwanag at para humingi ng home quarantine pass.
Iginiit naman ni Rollorazo na “miscommunication” lamang ang lahat.
“It was only for fun,” aniya.
Ipinaliwanag ni Rollorazo na naka-duty siya at mga kagawad sa barangay hall nang dumating ang ilang kapitbahay para humingi ng
home quarantine pass.
Nagkabiruan naman ang grupo na mag-iisyu rin sila ng pass para sa tukis o tupada dahil nami-miss na nilang magsabong.
Ayon sa barangay captain, pinalitan niya ang salitang “quarantine” sa pass ng “tukis” at nag-print ng kopya at ipinakita sa mga kaibigan.
Kinalaunan ay sinabihan niya ang barangay secretary na itapon ang kopya.
Aniya, nagulat siya nang malaman na may nabigyang residente ng “tukis pass.”
Base sa ginawa nilang pagsisiyasat, sinabi ni Rollorazo na imbes itapon ay naisama ang kopya sa mga ipinamimigay na quarantine pass sa mga residente.
Humingi naman ng paumanhin ang barangay chairman at sinabing papalitan niya ng quarantine pass ang naibigay na pass sa lalaki. –CDN