Wow mali: Imbes na quarantine pass, ‘sabong pass’ nilabas ng residente

HINULI ang isang pakalat-kalat na lalake noong Lunes sa Dauis, Tagbilaran City, dahil sa paglabag sa quarantine restrictions ng provincial government.

Nang siya ay hanapan ng quarantine pass na ipinamamahagi sa lunsod, ibang pass ang kanyang naipakita:  pass sa ‘tukis’ o sabong.

Agad naman siyang dinala sa police station kung saan ikinuwestyon kung bakit isang ‘tukis pass’ ang kanyang inilabas.

Ayon sa lalake, nagulat din siya kung bakit isang ‘tukis pass’ na may pirma pa ng village chief nila na si Raldo Rollorazo, Barangay Totolan.

Pinawalan siya ng mga pulis at inabisuhang magtungo sa kanyang barangay para humingi ng quarantine pass.

Sa isang phone interview ng Inquirer kay Rollorazo, nagkamali umano ang barangay treasurer sa pamamahagi ng totoong quarantine pass.

Kuwento nya, may ilang residente ang pumunta noon sa barangay para humingi ng quarantine pass.

Dahil mga kaibigan at kakilala nya, nagkabiruan na dapat ‘tukis pass’ ang ma-isyu imbes na quarantine pass, bilang namimiss daw nila ang magsabong matapos itong ipagbawal sa ilalim ng quarantine restrictions.

Para umano mas nakakatuwa ay binago ni Rollorazo ang salitang ‘quarantine’ sa salitang ‘tukis’ at nagprint ng ilang kopya para ipakita sa mga kaibigan.

Sinabihan nya umano na itapon ng kanyang sekretarya ang mga ‘tukis pass’ na naimprenta.

Nagulat na lamang siya ng makita nya muli ang ‘tukis pass’ na nasa kamay na residenteng hinuli ng pulis.

Sa kanyang pag-iimbestiga ay lumabas na nailapag umano sa lamesa ang mga ‘tukis pass’ na siyang inakala ng barangay treasurer na mga printed quarantine passes na siyang ipinamahagi nya sa ilang residente.

Sa huli, humingi ng paumanhin si Rollorazo at nirequest ang mga nakatanggap ng mga ‘tukis pass’ na papalitan ito ng tunay na quarantine pass.

Read more...