Freelance entertainment press may P5K ayuda mula sa FDCP

MAGBIBIGAY ng ayuda ang Film Development Council of the Philippines para sa mga freelance entertainment press worker na nawalan ng trabaho dahil sa paglaganap ng sakit na coronavirus.

Tinatawag na ‘DEAR PRESS!’, ang ayudang ito ay para sa entertainment press na hindi kwalipikado sa tulong pinansyal na galing sa ibang ahensya ng gobyerno.

“Sakop ng DEAR PRESS ang mga editors, writers, photographers at iba pang miyembro ng entertainment press na nagtratrabaho sa dyaryo, tabloids at iba pang lehitimong entertainment blogging sites sa National Capital Region na walang direktang employer at hindi empleyado ng kahit anong publication.” ayon sa post ng FDCP.

Ang kwalipikadong mga entertainment press ay makakatanggap ng P5,000 na ayuda.

Requirements lamang para sa ayudang ito ay sagutan ang itinalagang form, press identification (kung meron), Certificate of Engagement mula sa Editor o publication, kopya o link ng mga isinulat na artikulo sa tungkol sa Philippine showbiz industry at pagsasagawa ng return service commitment kung saan ang narehistradong entertainment press ay magcocover at magsusulat ng hindi bababa sa dalawang FDCP-supported na event, activity o project bilang volunteer. Kinakailangan magawa ang serbisyong ito sa loob ng dalawang taon matapos matanggap ang ayuda ng DEAR PRESS.

Lahat naman ng dokumento ay ieemail sa dearnationalregistry@fdcp.ph.

Ang pagpasa ng aplikasyon ay mula Marso 30 hanggang Abril 30.

 

Read more...